Iginiit ni Vice President Sara Duterte na “kinidnap” umano ang “tatay ng lahat” o ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kaniyang talumpati na inilabas sa kaniyang opisyal na Facebook page nitong Sabado, Mayo 10, nagpasalamat si VP Sara sa kanilang mga suporta dahil sa patuloy daw na pagtitiwala ng mga ito sa kaniyang pamilya.
“Ang puwesto na kinatatayuan ko ay hindi para sa akin. Ito ay para sa Pangulong Rodrigo Duterte. Pero tinawag ako ng tadhana dahil kinidnap ang tatay nating lahat,” ani VP Sara.
“Ako si Inday Sara, isang botanteng nagmamahal sa ating bayan at natatakot para sa ating kinabukasan.”
Kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands si FPRRD matapos siyang arestuhin noong Marso 11, sa pakikipagtulungan ng pamahalaan ng bansa sa Interpol, dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Kaugnay nito, hinikayat ng bise presidente ang mga Pinoy na iboto ang mga nararapat na kandidato dahil ang nalalapit na eleksyon daw ang makapagdedesisyon ng kinabukasan ng Pilipinas.
“Iniibig ko ang Pilipinas. Iniibig ko kayong mga Pilipino. This election will decide the future of our country. Ang boto ninyo ang magbibigay katiyakan kung maituloy ang pagbabago o tuloy-tuloy na lang tayo sa kapahamakan,” saad ni VP Sara.
Matatandaang kamakailan lamang nang iendorso ni VP Sara ang sampung senatorial candidates ng “DuterTEN” na sina reelectionists Senador Bato dela Rosa at Bong Go, mga abogadong sina Jimmy Bondoc, Vic Rodriguez, JV Hinlo, Raul Lambino, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta, Pastor Apollo Quiboloy, Dr. Richard Mata, at dating aktor na si Philip Salvador.
Bukod dito, inendorso rin ng bise presidente sina reelectionist Senator Imee Marcos at Rep. Camille Villar.