Malita, Davao Occidental – Mayo 9, 2025 — Nakamit ni millennial senatorial candidate Camille Villar ang matinding suporta sa Davao Occidental nitong Huwebes, matapos siyang opisyal na iendorso ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Matapos ang pag-anunsyo ng suporta ni VP Duterte ilang linggo na ang nakalipas, naramdaman na ang pagdami ng suporta kay Villar sa Mindanao, partikular sa isinagawang meet and greet kasama ang iba’t ibang sektor sa Tabat Gym sa Malita.
Ipinahayag nina Davao Occidental Lone District Representative Claude Bautista at DUMPER Partylist Representative Claudine Diana Bautista-Lim ang kanilang suporta sa kandidatura ni Villar sa nasabing pagtitipon.
Sa harap ng mga opisyal ng barangay, solo parents, tricycle drivers at operators, mga senior citizens, at kabataan, ipinangako ni Villar na itutulak niya ang mga batas at proyektong nakaangkla sa kanyang mga adbokasiya gaya ng pagpapalakas ng kababaihan, pabahay, edukasyon, mental health, pagkakapantay-pantay ng kasarian, financial literacy, at pagsuporta sa maliliit, katamtaman, at micro na negosyo (SMMEs).
“Nagpapasalamat po ako sa mainit ninyong pagtanggap,” ani Villar. “Alam n’yo po sa panahon ngayon, sa panahon na maraming hinaharap na batikos, malaking bagay po ang inyong pinakitang suporta, ang inyong mainit na pagtanggap at pagmamahal na ipinakita n’yo po ngayong hapon sa akin.”
Dagdag pa ni Villar, ang ipinakitang suporta ay nagbibigay sa kanya ng lakas, at bilang kapalit ay nangako siyang ibibigay din niya ang kanyang buong suporta para sa mga taga-Davao Occidental.