Hindi man pisikal na nakadalo sa ginanap na Miting De Avance ng PDP-Laban, may mensahe naman ang isa sa mga kumakandidato sa pagkasenador sa ilalim ng "DuterTEN" senatorial slate si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader-founder Pastor Apollo Quiboloy, para sa kaniyang mga tagasuporta, at para sa mga botante.
Sa naganap na Miting De Avance ng partido sa Liwasang Bonifacio, Maynila noong Huwebes, Mayo 8, nagbigay ng mensahe si Quiboloy sa pamamagitan ng isang video message.
Nagsimula ang pastor sa pagbati sa lahat, lalo na para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nanonood sa kaniyang video message.
"Ang tanong po ay bakit kailangan ninyong iboto sa Mayo 12 si Pastor Apollo C. Quiboloy? Iboto po ninyo sapagkat gusto ko pong kayo ay makaranas ng isang bansa na malaya sa korapsyon at malaya sa mga opisyal na nang-aabuso ng kanilang kapangyarihan at awtoridad na ipinagkaloob sa kanila," aniya.
"Asahan po ninyo ang aking pangako pong ito, hindi po ako puwedeng kainin ng sistema ng politika. Ako po ay narito para ayusin natin ang Pilipinas at ito'y ipalakad sa tamang daan ng pamamahala," aniya pa.
Iginiit din ng kandidato na hindi siya tumakbo para sa pera, pabor, o para sa ambisyon.
"Ako po ay naririto, ipinagkaloob ng Diyos ang pagkakataong ito na hindi ko inaasahan sapagkat may plano ang aking Dakilang Ama sa pag-ibig sa inyo na ituwid natin at ayusin natin ang bansang Pilipinas..." aniya pa.
Bagama't wala sa event, dala-dala naman ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Quiboloy, ang standee ng kandidato at bilang kinatawan niya.