Sinagot ng Palasyo ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa pagkakamali umanong nailuklok bilang Presidente ng bansa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa press briefing nitong Biyernes, Mayo 9, 2025, diretsahang iginiit ni Palace Press Secretary Claire Castro na si VP Sara umano ang mismong pumalpak at gumawa ng anomalya sa pagiging kalihim niya noon ng Department of Education (DepEd).
“Matatandaan po natin na siya po mismo bilang dating DepEd Secretary siya ang nagsabing hindi n’ya kaya,” saad ni Castro.
Noong Huwebes, Mayo 8, sa Miting de Avance ng PDP-Laban iginiit ni VP Sara na wala umanong kakayahan si PBBM maging Pangulo ng bansa.
“Sa kasamaang palad, iniluklok natin ang isang lider na walang kakayahang maintindihan ang tunay na kalagayan ng Pilipino,” ani VP Sara.
Bunsod nito, inungkat ng Palasyo ang naging kamalian umano sa pamamalakad ni VP Sara sa DepEd at tinawag na isa raw kapabayaan ang nangyari.
“At that time, makikita natin kung paano nga ba napabayaan ang education sector…,” ani Castro.
Dagdag pa ni Castro: “Kaya po’y tayo’y umaayon sa sinasabi n’yang pinagbabayaran natin ngayon ang pagpili ng maling leader.”
Tinawag din ni Castro na problema ng bansa ang Bise Presidente.
“Hindi po ba siya ang problema ng bansa? Or isa sa mga problema ng bansa,” aniya.