Pinabulaanan ng Ombudsman na may special treatment silang ibinigay sa reklamong inihain ni Sen. Imee Marcos laban sa ilang matataas na opisyal ng bansa, kaugnay ng umano’y ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman, inatasan 5 gov’t officials na sagutin reklamo ni Sen. Imee ukol sa pag-aresto kay FPRRD
Batay sa pahayag ni Ombudsman Samuel Martires nitong Biyernes, Mayo 9, 2025, iginiit niyang hindi umano siya pulitiko upang politikahin ang nasabing reklamo.
“We did not give, or I did not give special treatment to Imee na i-entertain, kasi sinasabi nila ano ito, masamang timing parang pulitika, hindi naman ako pulitiko eh,” ani Martires.
Binigyang-linaw din niya ang naging pahayag noon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi raw dumaan sa anumang “fact-finding” ang reklamo ng senadora.
KAUGNAY NA BALITA: DOJ Sec. Remulla, ‘nawe-weirdan’ sa isinampang reklamo ni Sen. Imee
“Effective April 21, 2025 lahat ng kasong papasok, ay ido-double docketing agad, raffled to a bureau and then from a bureau to a lawyer, an investigator and then immediately the investigator will determine, will issue an order to file a counter-affidavit,” anang Ombudsman.
Matatandaang kamakailan lang nang isumite ni Sen. Imee sa Ombudsman ang reklamo sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno, partikular na ang ilang miyembro ng gabinete dahil sa umano'y pinagtatakpang paglabag sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte na tinawag ng senadora na "criminal and administrative offenses."
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD