Pormal nang nagsimula ang muling pagpili ng Simbahang Katolika para sa susunod na Santo Papa na siyang nakatakdang mamuno sa bilyong Katoliko mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nagsimula ang Papal Conclave noong Miyerkules Mayo 7, 2025 kung saan ikinulong ang 133 cardinal sa loob ng Sistine Chapel upang isagawa ang kanilang eleksyon para sa susunod na Santo Papa, kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis noong Abril 21, 2025.
MAKI-BALITA: Pope Francis, pumanaw na sa edad na 88
MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit ikinukulong sa Sistine Chapel ang mga cardinal sa pagpili ng bagong Santo Papa?
Ang resulta ng conclave ballot
May dalawang kulay ng signal smoke ang ibinibigay ng Simbahang Katolika sa tuwing isinasagawa ang conclave, ito ang itim at puting usok.
Sinusunog ng mga cardinal ang lahat ng balota pagkatapos ng kanilang botohan at saka ito hinahaluaan ng kemikal upang makapaglabas ng itim o puting usok.
Lumalabas ang itim na usok kapag wala pang cardinal na nakakakuha ng ⅔ na boto habang ang puting usok naman ang naghuhudyat na may napili ng susunod na bagong Santo Papa.
KAUGNAY NA BALITA: Ang 'conclave' at ang pagpili sa susunod na Santo Papa
Narito ang timeline ng resulta ng isinasagawang conclave:
Mayo 7 (3:00 ng umaga oras sa Pilipinas) - Muling nasaksihan ng buong mundo ang kauna-unahang smoke signal na mula sa Sistine Chapel kung saan ginaganap ang conclave ng mga cardinal.
Sa pagkakataong ito, itim na usok ang lumabas—isang malinaw na indikasyon na wala pang napipiling Santo Papa.
Mayo 8 (5:51 ng hapon oras sa Pilipinas) - Isang itim na usok ang muling nasilayan ng buong mundo sa ikalawang pagsalang ng mga cardinal sa pagpapatuloy ng conclave.
Walang itinatakdang haba o tagal ang Simbahang Katolika sa pagsasagawa ng conclave. Magpapatuloy ang botohan hangga’t walang cardinal na nakakakuha ng kabuuang ⅔ na boto.
KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Gaano katagal ang naging Papal Conclave sa mga nakaraang taon?
Habang isinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang nakaabang ang bilyong Katoliko sa magiging resulta ng ikatlong pagboto ng mga cardinal na nasa loob pa rin ng Sistine Chapel.