May 08, 2025

Home BALITA Eleksyon

Sol Aragones, dumepensa sa pag-endorso kay Rodante Marcoleta

Sol Aragones, dumepensa sa pag-endorso kay Rodante Marcoleta
Photo courtesy: Sol Aragones, via Ging Reyes (FB)

Nagsalita na ang kumakandidato sa pagkagobernador ng Laguna at dating ABS-CBN news reporter na si Sol Aragones hinggil sa pinagtaasan ng kilay na pag-endorso niya kay SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta, na tumatakbo sa pagkasenador.

Si Marcoleta ay isa sa mga taong nanguna para hindi mapagbigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN noong 2020, dahil umano sa mga paglabag nito.

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ng mga netizen ang Facebook post ni Ging Reyes, dating ABS-CBN head ng Integrated News and Current Affairs, patungkol sa dating ABS-CBN news, na itinataas ang kamay ni Marcoleta.

Ibinahagi ni Ging ang isang screenshot mula sa isang X post na nagpapakita ng larawan ng dalawa.

Eleksyon

PBBM party-list, tuluyan nang diniskwalipika ng Comelec

Mababasa sa nabanggit na X post, "Hindi ka ba nandiring itaas ang kamay ng taong nasa forefront ng pagtutol sa renewal ng franchise ng mother network mo?"

"Ang bilis makalimot ng pulitiko 'no?"

Sa post naman ni Ging, nataon namang ibinahagi niya ito noong Mayo 5, ang ikalimang anibersaryo ng pag-deny sa franchise renewal ng ABS-CBN, sa kasagsagan ng pandemya.

"The month of May is always eventful. More so this year, with the upcoming elections."

"For me and thousands of kapamilya, marking 5 years since ABS-CBN’s broadcast shutdown brings back painful memories. That wound was deep."

"Apparently, not for everyone. " mababasa rito.

MAKI-BALITA: Ex-ABS-CBN head imbyerna kay Sol Aragones; Rodante Marcoleta itinaas-kamay

Samantala, ipinaliwanag naman ni Aragones ang kaniyang panig sa pamamagitan ng panayam sa kaniya ng isang lokal na pahayagan.

Aniya, tumatakbo siya sa pagkagobernador at kapakanan ng mga kababayan sa Laguna ang nasa isip niya, kaya sinuman at anumang political color na lumalapit sa kaniya ay welcome, basta't tutulungan siya sa kaniyang adhikain para sa mas mainam na ospital sa lalawigan.

Iba naman daw ang pagmamahal niya sa ABS-CBN na ipinaglaban din niya ang pagkakaroon ng prangkisa noon. Hinding-hindi na raw mawawala ang pagmamahal niya sa dating home network. Aniya pa, sana raw ay respetuhin ito ng iba.