Pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) ang desisyon nitong idiskuwalipika ang rehistrasyon ng Pilipinas Babangon Muli (PBBM) party-list para sa 2025 midterm elections dahil sa umano’y usapin ng “misrepresentation.”
Base sa inilabas na resolusyon ng Comelec nitong Miyerkules, Mayo 7, ibinasura ang motion for reconsideration na inihain ng PBBM party-list dahil sa hindi raw nito naipakita ang regional constituency.
“Respondent violated the requirement that a regional party must have a regional constituency when it accepted, and even fielded as nominees, members who are not from CALABARZON,” nakasaad sa resolusyon ng Comelec.
Matatandaang noong Abril nang kanselahin ng Comelec Second Division ang rehistrasyon ng naturang party-list dahil bagama’t inilahad daw nitong nire-representa nila ang Calabarzon, wala sa sampung nominees ang residente ng rehiyon.
Lumabas daw na walo sa nominees ng PBBM party-list ang mula sa Abra, isa ang nagmula sa Cagayan, at isa sa Quezon City.