Nagpasalamat ang mag-asawang sina San Jose Del Monte City, Bulacan Mayor Arthur Robes at Lone Legislative District of San Jose Del Monte City, Bulacan Rep. Rida Robes sa pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (INC) matapos suportahan ang kanilang kandidatura para sa nalalapit na 2025 National and Local Elections sa Lunes, Mayo 12.
Si Mayor Arthur ay tumatakbo sa pagkakongresista sa nabanggit na lungsod sa Bulacan habang si Cong. Rida naman ay sa pagkaalkalde.
Mababasa sa Facebook post ni Cong. Rida ang pasasalamat sa INC.
"Maraming salamat po sa muling pagtitiwala "
"Sa buong Kapatiran ng Iglesia ni Cristo sa pamumuno ng Tagapamahalang Pangkalahatan, Ka Eduardo V. Manalo, taos-pusong pasasalamat po ang ipinaaabot namin sa inyo sa tiwala at suporta na muli ninyong ipinagkaloob sa amin."
"Ang inyong tinig ng pagkakaisa para sa Pamilyang San Joseño ay tutumbasan namin ng tuloy tuloy na programa at serbisyong nagpapaunlad sa San Jose del Monte."
"Asahan ninyo po na gagampanan namin ang responsibilidad na kaakibat ng suporta ninyo. Muli, maraming salamat po sa inyong lahat," anila pa.
Nagpasalamat din naman si Mayor Arthur sa kaniyang Facebook post.
"Salamat po sa isang tinig ninyong nagkakaisa, kapatid naming miyembro ng Iglesia ni Cristo ," aniya.
"Kami ni Mayor Ate Rida Robes ay lubos na nagpapasalamat sa buong Kapatiran ng Iglesia ni Cristo sa pamumuno ng Tagapamahalang Pangkalahatan, Ka Eduardo V. Manalo dahil sa tiwalang muli ninyong ibinigay sa amin."
"Makakaasa po kayo na ang inyong pagkakaisa para sa Pamilyang San Joseño ay magbubunga ng magagandang programa at serbisyo na magpapaunlad sa ating mahal na Lungsod."
"Ang inyong suporta ay hindi namin ipagsasawalang bahala. Responsibilidad itong aming pangangalagaan. Muli po, nagpapasalamat po kami sa inyo," saad pa niya.