May 08, 2025

Home BALITA Eleksyon

Liza Maza, inendorso ng alkalde ng Malolos: ‘Para sa makabayan, makakalikasang kaunlaran!’

Liza Maza, inendorso ng alkalde ng Malolos: ‘Para sa makabayan, makakalikasang kaunlaran!’
(Photo courtesy: Makabayan Pres. Liza Maza)

Ipinaabot ni Malolos City, Bulacan Mayor Christian Natividad ang kaniyang pag-endorso kay Makabayan President Liza Maza sa pagkasenador dahil sa matatag daw nitong paninindigan laban sa reklamasyon at maging sa pagsusulong nito ng “makabayan at makakalikasang kaunlaran.”

Sa isang Facebook post nitong Huwebes, Mayo 8, ibinahagi ni Maza ang ilang mga larawan ng pagbabahay-bahay niya sa Malolos kasama si Natividad upang mangampanya sa gitna ng nalalapit na halalan.

Binanggit din ng senatorial candidate ang isinusulong niya para sa mga Pilipino, tulad ng “pagbaba ng presyo ng bilihin, P1,200 minimum living wage, karapatan ng kababaihan, OFW, malayang patakarang panlabas, at iba pang matagal nang ipinaglalaban ng MAKABAYAN.”

“Bilang presidente ng alyansa ng mga baybaying bayan sa Bulacan at Pampanga, isa si Natividad sa mga nangunguna sa pagtutol sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay,” ani Maza. 

Eleksyon

Bam Aquino, Bong Go ibinahagi pag-endorso sa kanila ng JIL Church

Samantala, iginiit nina Maza at Natividad ang kahalagahan ng baybaying ekosistema ng Manila Bay, kabilang na raw ang mga bakawan, latian, at katubigang malapit sa pampang bilang tirahan ng yamang-dagat at mga ibon, at batayan ng kabuhayan at kultura ng mga mangingisda.

“Ang pagkasira sa mga ito sa ngalan ng huwad na kaunlaran ay hindi lamang ekolohikal na krimen, kundi malinaw na anyo ng inhustisya laban sa mga maralitang komunidad. Para sa kanila, ang tunay na kaunlaran ay yaong naka-ugat sa katarungan, kalikasan, at kapakanan ng taumbayan,” saad ni Maza.

Isa si Maza sa 11 senatorial candidates ng Makabayan Coalition na nagsusulong ng karapatan ng bawat sektor ng lipunan.

Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.