Nakuha ni senatorial candiate Kiko Pangilinan ang endorso ni Governor Gwendolyn Garcia ng vote-rich province Cebu, na may tinatayang 3.4 miyong mga botante.
Sa kaniyang naging pagbisita sa Cebu noong Martes, Mayo 6, ibinahagi ni Garcia ang kaniyang pag-endorso kay Pangilinan, at sinabing bunsod ito ng kanilang matagal nang pagkakaibigan.
Si Pangilinan ang nag-iisang senatorial candidate na inendorso ni Garcia na hindi kabilang sa senatorial slate ng administrasyong Marcos na “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.”
Kaugnay nito, muling nagpaabot ng pasasalamat si Pangilinan sa suporta ng Cebu governor sa pamamagitan ng isang X post nitong Miyerkules, Mayo 7.
“Daghang salamat, Cebu! Lubos ang ating pasasalamat kay Gov. Gwen Garcia sa mainit na pagtanggap at pag-endorso sa atin sa mga mayor, board members, at barangay captains ng Cebu,” ani Pangilinan.
“Walang kulay ang gutom kaya dapat walang kulay ang solusyon. Ang pagkain ay karapatan, hindi pribilehiyo,” dagdag niya.
Ipinangako rin ni Pangilinan kung makabalik siya muli sa Senado, handa siyang makipagtulungan sa lahat “para sa mas malaking suporta sa agrikultura at mas abot-kaya at masustansyang pagkain sa bawat hapag ng pamilyang Pilipino.”
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.