May 08, 2025

Home BALITA Eleksyon

Isko Moreno, ipinahayag ang suporta kay Camille Villar sa kampanya sa Maynila

Isko Moreno, ipinahayag ang suporta kay Camille Villar sa kampanya sa Maynila
photo courtesy: Camille Villar/FB

Mayo 7, 2025 – Maynila — Nagpakita ng matibay na suporta si dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kay senatorial candidate Camille Villar sa isang masiglang campaign rally sa Paco, Maynila, ilang araw bago ang halalan sa Mayo 12.

Sa kabila ng ambon, dumagsa ang mga tagasuporta sa Pedro Gil Street para sa rally ng “Yorme’s Choice,” kung saan isinama ni Moreno si Villar bilang isa sa kanyang mga rekomendadong senador. Tampok din sa kanyang lokal na line-up sina vice mayoral candidate Chi Atienza, 5th District congressional aspirant Rep. Amado Bagatsing, at ang buong hanay ng mga kandidato para sa city council.

“Pwede ba isingit na natin ito sa labing dalawa? Ang ating senador, Camille Villar!” sigaw ni Moreno na sinalubong ng hiyawan at palakpakan mula sa mga dumalo.

Nagpasalamat si Villar sa mainit na suporta at nangakong isusulong sa Senado ang mga adbokasiyang makikinabang ang mga Manileño, gaya ng suporta sa maliliit na negosyo, abot-kayang pabahay, gender inclusivity, at pagpapalakas ng kababaihan.

Eleksyon

PBBM party-list, tuluyan nang diniskwalipika ng Comelec

Ibinahagi rin ni Villar ang kanyang personal na koneksyon sa Maynila. Aniya, ang kanyang ama na si dating Senate President at negosyanteng si Manny Villar ay lumaki sa Moriones, Tondo at nagsimulang magtinda ng seafood sa Divisoria. “Dala ko ang mga aral ng sipag at tiyaga mula sa kwento ng aking ama. Alam ko ang hirap at pangarap ng mga karaniwang Pilipino,” ani Villar.

Nagmistulang pagtatagpo rin ito ng dalawang lider na parehong may pinagmulan sa Tondo. Tulad ng ama ni Camille, si Moreno ay nagsimulang may simpleng buhay bago naging tanyag bilang alkalde ng Maynila. Kinilala siya sa kanyang termino para sa mga proyektong panglungsod at pagbibigay-priyoridad sa pangunahing serbisyo para sa mga mamamayan.

Binigyang-diin ni Villar na sinusuportahan niya ang mga layunin ng tambalang Domagoso-Atienza: ang pagkakaroon ng disenteng pabahay, dekalidad na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at kabuhayan para sa bawat Manileño.

Matapos ang tatlong taong pahinga sa politika, nangunguna ngayon si Moreno sa mayoral race sa Maynila. Inaasahang lalo pang lalakas ang suporta kay Villar sa lungsod kasunod ng kanyang pag-endorso.