Dagupan City, Mayo 2, 2025 — Mainit na tinanggap ng mga taga-Dagupan si senatorial candidate Camille Villar sa kasagsagan ng Bangus Festival, kung saan kanyang pinuri ang kasipagan ng mga lokal na mangingisda at ang tagumpay ng industriya ng bangus sa Pangasinan.
Ipinakita ni Villar ang kanyang suporta sa sektor ng agrikultura at pangingisda sa kanyang pagdalo sa Bangusan Street Party — ang pangunahing tampok ng selebrasyon — na nagluto ng 20,000 bangus gamit ang 1,100 grills. Ayon kay Villar, ang dami at laki ng mga bangus ay patunay ng kasaganahan ng Dagupan sa larangan ng aquaculture.
“Ang Bangus Festival ay simbolo ng yaman at kasipagan ng Dagupan. Isa itong pagdiriwang ng ating kultura at likas na yaman,” wika ni Villar.
Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya, tiniyak niya ang patuloy na suporta sa mga programang makatutulong sa kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka, lalo na sa mga lugar tulad ng Pangasinan na umaasa sa agrikultura at aquaculture.
Ang Bangus Festival ay taunang pagdiriwang na kinikilala hindi lamang ang masarap na bangus ng Dagupan, kundi pati na rin ang makulay na kultura at pamana ng lungsod.