Nagpahayag ng pasasalamat sina senatorial candidates Bam Aquino at Bong Go sa pag-endorso raw sa kanila ng Jesus is Lord (JIL) church para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, Mayo 7, nagpasalamat si Aquino sa JIL, founder nitong si CIBAC party-list Rep. Brother Eddie Villanueva, at Senador Joel Villanueva sa pagsuporta ng simbahan sa kaniyang kandidatura.
“Maraming salamat sa endorsement ng Jesus is Lord Church sa posisyon ng Senador. Maraming salamat sa tiwala at suporta! Many thanks to Sen. Joel Villanueva for arranging the meeting with the JIL National Executive Committee. And of course, to Bro. Eddie, who remains one of our country's spiritual leaders,” ani Aquino.
“Malalim ang aking pananampalataya na may plano ang Diyos para sa Pilipinas! At sama sama natin ito papandayin. God Bless the Philippines!” dagdag niya.
Ipinaabot din ni Go ang kaniyang pagkatuwa sa endorso ng JIL sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Huwebes, Mayo 8.
“Ako ay lubos na nagpapasalamat sa Jesus is Lord Church Worldwide at sa kanilang visionary founder na si Pastor Eddie Villanueva sa pag-endorso sa aking kandidatura sa pagka-senador sa halalang ito. Nagpapasalamat din ako sa aking butihin at kapwa mambabatas, Senador Joel Villanueva, sa tiwalang ibinigay. Ito ay isang malaking personal na karangalan para sa akin,” ani Go.
“Ang pag-endorsong ito ay lalong nagbibigay sa akin ng lakas ng loob upang mas lalong mag-alay ng tapat at tunay na serbisyong may malasakit dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos. At ako ay mapalad na andyan ang Jesus is Lord Church na aking magiging kaagapay sa aking mga hangarin para sa bayan, lalo na sa mga mahihirap na mga Pilipino,” saad pa niya.
Matatandaang noong Linggo, Mayo 4, nang nauna nang iendorso ng JIL ang limang senatorial candidates na sina reelectionist Senator Pia Cayetano, dating Senador Manny Pacquiao, dating Senate President Tito Sotto, dating Senador Panfilo Lacson, at dating Senador Kiko Pangilinan.
MAKI-BALITA: JIL Church, nag-endorso ng 5 senatorial candidates
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa darating na Lunes, Mayo 12.