May 08, 2025

Home FEATURES Human-Interest

BALITAnaw: Gaano katagal ang naging Papal Conclave sa mga nakaraang taon?

BALITAnaw: Gaano katagal ang naging Papal Conclave sa mga nakaraang taon?
Photo courtesy: via AP News

Muling nasaksihan ng buong mundo ang pagsisimula ng pagpili sa ika-267 pinuno ng Simbahang Katolika. 

Isa ang papal conclave sa mga pinakamahahalagang pangyayaring panrelihiyon sa kasaysayan, sa loob o labas man ng relihiyong Romanong Katoliko.

Sa paglipas ng panahon, nananatiling buhay ang paraan ng pagpili ng Santo Papa sa pamamagitan ng isang eleksyong pinagbobotohan ng mga cardinal. Conclave ang tawag sa paraan nila ng pagboto kung saan lahat ng mga kwalipikadong cardinal ay maaari nilang iboto.

Ngayong nakatakda na muling pangalanan ang susunod na Santo Papa, narito ang pagbabalik-tanaw sa kasaysayan kung gaano nga ba katagal inabot bago nakapagluklok ng Santo Papa noon ang Simbahang Katolika.

Human-Interest

ALAMIN: Bakit ikinukulong sa Sistine Chapel ang mga cardinal sa pagpili ng bagong Santo Papa?

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit ikinukulong sa Sistine Chapel ang mga cardinal sa pagpili ng bagong Santo Papa?

Mula taong 1600 hanggang 1900, inaabot ng mahigit sa 100 araw bago matapos ang Conclave. Ito ang dahilan kung bakit noong 1740 naitala ang pinakamahabang Conclave na inabot ng 182 araw hanggang sa napili si Pope Benedict XIV. Narito ang ilan pa sa mga Conclave na nagtagal ng halos tatlong buwan:

-Pope Pius VII (1800)- 104 araw

-Pope Clement XII (1730)- 130 araw

-Pope Clement X (1670) - 131 araw

-Pope Pius VI (1775)- 134 araw

-Pope Innocent XII (1691) 151 araw

Subalit sa pagpasok ng 1903 hanggang sa taong kasalukuyan, nagbago na ang itinagal ng bawat Conclave kung saan tumatagal na lamang ito ng dalawa hanggang limang araw. Narito ang ilan pa sa mga Conclave na nagtagal lamang ng ilang araw: 

-Pope Pius X (1903)- 5 araw

-Pope Benedict XV (1914)- 4 araw

-Pope John Paul II (1978)- 3 araw

-Pope Benedict XVI (2005)- 2 araw

-Pope Francis (2013)- 2 araw

Habang isinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang nag-aabang ang publiko sa ikalawang pagsalang ng mga cardinal sa Conclave nitong Huwebes, Mayo 8, 2025 matapos na opisyal na magsimula ang unang botohan noong Miyerkules, Mayo 7.