Ipinahayag ni Danmark Masongsong, tatay na Overseas Filipino Worker (OFW) na hindi niya kayang ipagkaloob ang kapatawaran sa drayber ng SUV na sangkot sa insidenteng nagresulta sa pagkasawi ng kaniyang limang taong gulang na anak sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Linggo, Mayo 4.
Sa panayam sa kaniya ng media, sinabi ni Masongsong na hindi niya kayang patawarin ang driver na sinasabing "nataranta" kaya naapakan ang silinyador ng sasakyan sa halip na break.
KAUGNAY NA BALITA: 'Anak ko 'yan!' Pagtangis ng ama ng batang nasalpok ng SUV sa NAIA, dumurog sa puso
Nagresulta ito ng pagkakasagasa sa kaniyang maybahay, biyenan, at kaisa-isa nilang anak na babae, na hindi nakaligtas sa aksidente.
Nagpapagaling naman sa ospital ang kaniyang misis, na huli na nang sabihin nila ang nangyari sa bata.
Sa panayam sa ama, mukhang hindi pa siya bukas sa anumang pagpapatawad.
"Sa ngayon po, hindi ko po mapapatawad dahil buhay po ang kinuha kaya ang gusto po namin, mabulok sa kulungan para mabigyan ng hustisya ang anak ko," aniya.
"Walang kapatawaran ang ginawa mo sa aking asawa lalo na sa aking anak na nawalan ng buhay. Ikaw, nakakakain ka pa, ang anak ko wala na… kaya ‘yong kasalanan mo, walang kapatawaran ‘yan, tandaan mo ‘yan. Korte na lang ang bahala sa’yo," dagdag pa.
KAUGNAY NA BALITA: 5 na taong gulang na bata kabilang sa nasawing inararo ng SUV sa NAIA