Emosyunal pero aliw pa rin ang eulogy ng aktres na si Jackie Lou Blanco para sa kaniyang yumaong dating mister na si Ricky Davao.
Kahit na naluluha, hindi pa rin naiwasan ng mga nakikinig na hindi matawa lalo na nang ikuwento ni Jackie Lou ang ilang fond memories nila ni Ricky lalo na noong nagsasama pa sila.
Joker daw talaga ang pumanaw na aktor, at noong maliliit pa raw ang mga anak nila na sina Ara at Rikki Mae Davao, madalas daw ay nagpa-prank ito na kunwari ay duguan at mahihiga na lang sa sahig ng bahay, pero ang totoo, hindi niya tinanggal ang props na inilagay sa kaniya sa taping.
Bukod dito, inilarawan ni Jackie Lou si Ricky bilang masinop sa pera. Siya raw ang nagturo sa kaniya na sa bawat natatanggap na suweldo, dapat magtabi ng kahit 20% o 30%.
Aliw rin ang kuwento ni Jackie Lou na sinabi raw sa kanila ni Ricky na mawala na ang lahat huwag lang ang passport.
Sa tuwing bibiyahe raw sila, hindi raw kinalilimutan noon ni Ricky na ipa-photocopy ang kopya ng passports nila. Inilalagay raw ito sa mga bagahe upang kahit daw mawala ang passport, at least daw, may kopya ng mga detalye sa loob nito.
MAKI-BALITA: Jackie Lou Blanco, tinuruan ni Ricky Davao maging masinop sa pera
Isa pa sa highlights ng eulogy ay nang ikuwento ni Jackie na silang tatlong babae sa buhay ni Ricky ay nakasama pa niya sa intensive care unit (ICU) ng ospital.
Ni-recognize ni Jackie ang partner ni Ricky na si Mayeth Malca Darroca at pinasalamatan ito sa pag-aalaga sa dati niyang asawa.
"I want to thank you, Malca, Ricky's girlfriend, for taking such good care of Ricky," ani Jackie.
Lumapit naman si Malca at binigyan ng yakap ang emosyunal na si Jackie. Gumanti naman ng yakap ang aktres.
Ipinakilala rin ni Jackie ang isa pang naging babae sa buhay ni Ricky—ang ina ng youngest child ng aktor na si Cheryl Singzon. Si Ricky ay may isang anak na dalaga kay Cheryl. Sila naman ni Jackie Lou ay may tatlong anak, sina Kenneth, Rikki Mae, at Ara.
Biro pa ni Jackie, nalito raw ang doktor nang makita niyang tatlong babae ang nasa piling ni Ricky nang mga sandaling iyon, at tila nagulat pa nang malamang in good terms silang lahat.
"Ang joke nga namin, magkakasama kaming tatlo—si Aida, si Lorna, at si Fe.
"Pag kami lang ni Malca, 'Ang Dalawang Mrs. Real.'"
"I mean, we were all there to take care of Ricky in our own way. I was there not only to check on Ricky but to make sure that my children are okay because it was very difficult for them. But I'd like to say that the reason why we are all okay is because of the kind of man and person that Ricky was," paliwanag pa ni Jackie Lou.
Ang "Si Aida, Si Lorna o Si Fe" ay pamagat ng pinasikat na kanta ng isa sa mga OPM legend na si Marco Sison noong 90s. Ang "Dalawang Mrs. Real" naman ay kauna-unahang teleserye ni Diamond Star Maricel Soriano sa GMA Network kasama sina Dingdong Dantes at Lovi Poe.
Matatandaang nitong Mayo ay malungkot na ibinalita ang pagpanaw ng batikang aktor at direktor, na ayon kay Ara, ay dahil sa mga komplikasyong dulot ng cancer.