May 08, 2025

Home BALITA

Nakaligtas na driver ng inarong van sa SCTEX, ayaw ipasara Solid North: 'May mga pamilya rin sila'

Nakaligtas na driver ng inarong van sa SCTEX, ayaw ipasara Solid North: 'May mga pamilya rin sila'
Photo courtesy: Screengrab from ABS-CBN News and Manila Bulletin file photo

Napatawad na umano ng driver at kaisa-isang nakaligtas sa van na inararo sa SCTEX noong Mayo 1, 2025 ang driver ng bus na siyang nagsanhi ng naturang aksidente.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Jerry Tuazon nitong Miyerkules, Mayo 7, inihayag niyang tanggap na raw niya ang nangyari sa kaniya, maging sa kaniyang asawa at anak na nasawi sa noo’y minamaneho niyang van.

“Doon po sa driver, ay sa buong loob ko po sa puso ko, isip ko ay wala po akong sama ng galit o kaunting ano sa kaniya na sumama ang loob ko, hindi po,” ani Tuazon.

Dagdag pa niya, “Kung nakatulog man siya, o anuman po ‘yon po ay bunga ng katawan natin. Syempre kung gising siya, malamang ay hindi niya kami sasagasaan. So okay na po ako, napatawad ko po yung driver.”

Eleksyon

Ipe, suportado ng mag-inang Honeylet, Kitty

Hinggil naman sa nakaambang pagpapasara sa Solid North–ang bus company ng bus na nakasagasa sa kanila–tahasang iginiit ni Tuazon na hindi raw siya pabor na kitilin ang hanap-buhay ng mga driver nito.

“Ayaw ko pong ipasara ang Solid North. Kasi marami pong pamilya ang umaasa sa mga driver, may pamilya po ‘yan. Sa mga sumasakay, kailangan po nila ‘yan. Ang akin lang po, kung mayroong pagkukulang po yung kumpanya, kailangan lang pong kumpletuhin. Una, dapat sila ay regular na [may] drug test, seminar. At yung mga oras ng kanilang trabaho dapat sakto lang. Tao sila, hindi sila robot. Para safe lahat, safe sakay mo. Yung pamilya ko sana kasama ko ngayon, pero dahil isa lang driver nila, ganito ang nangyari,” saad ni Tuazon.

Matatandaang 10 ang nasawi sa naturang aksidente kung saan 8 sa kanila ang sakay ni Tuazon na noo’y papunta na sanang children’s camp.

KAUGNAY NA BALITA: Walo sa 10 biktima sa SCTEX road crash, patungong 'children's camp’

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nagnegatibo sa alcohol at drug testing at nahaharap sa mga kaukulang kaso.

KAUGNAY NA BALITA: Suspek sa SCTEX road crash, negatibo sa drug test; lahat ng driver ng Solid North, ipapa-drug test din!