Tinupok ang apoy ang voting center sa Dangdangla Elementary School sa Bangued, Abra, nitong Miyerkules ng umaga, Mayo 7, 2025.
Isa ang naturang paaralan sa mga voting center sa nasabing lugar kung saan tinatayang 70 umano ng mga classroom ang natupok ng apoy.
Sa panayam ng media kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nitong Miyerkules, wala pang Automated Counting Machines (ACMs) na naipadala sa nasabing paaralan nang mangyari ang aksidente at itutuloy pa rin umano ang pagdaraos ng eleksyon dito.
“Hindi tayo lilipat ng polling place, hinding-hindi namin ililipat ng polling place. Magtatayo kami ng makeshift doon sa lugar na yan. May natirang 2 classrooms, tutal isang presinto lang naman ang involved. Huwag po kayong mag-aalala diyan pa rin po kayo boboto,” ani Garcia.
Batay sa datos ng komisyon, mayroong 188,957 na registered voters sa buong Abra, 35, 227 sa kanila ang nagmula sa Bangued. Habang mayroong 24 voting center sa nasabing bayan na binubuo naman ng clustered precincts.
Siniguro din ni Garcia ang pagdadagdag umano ng mga seguridad sa Bangued sa papalapit na eleksyon sa Mayo 12.