Binigyang-diin ni Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) Executive Secretary Fr. Jerome Secillano na ang conclave ay hindi isang politikal na gawain.
Tila inihahalintulad kasi ng ilan sa papalapit ding 2025 midterm elections ang pagpili sa bagong Santo Papa dahil sa pangangalkal ng mga isyu tulad ng pagiging kimi umano ni Cardinal Luis Antonio Tagle sa isyu ng sekswal na pang-aabuso ng kaparian sa kani-kanilang simbahan.
MAKI-BALITA: Cardinal Tagle, wala raw nagawa sa isyu ng ‘pang-aabuso’ ng mga pari; CBCP, dumipensa!
Isa si Tagle sa mga matutunog na pangalan ng mga Cardinal na nakikitaan ng potensyal na maging susunod na pinuno ng Simbahang Katolika matapos ang pagpanaw ni Pope Francis noong Abril 21.
MAKI-BALITA: CBCP, umapela sa publiko; Cardinal Tagle, 'wag ipangampanya bilang Santo Papa'
BASAHIN: Pope Francis, pumanaw na sa edad na 88
Kaya sa latest episode ng “Morning Matters” nitong Miyerkules, Mayo 7, sinabi ni Secillano na bagama’t may politika umano ang conclave, nananaig pa rin ang kalikasan nito bilang isang spiritual activity.
“Ang conclave hindi naman ‘yan political activity. Mayro’n sigurong politics ‘yan but in itself, hindi political activity. I even call it spiritual activity,” saad ni Secillano.
Dagdag pa niya, “Hindi natin puwedeng tingnan sa lente na dapat mayro’ng ganitong mga paglalahad ng kung ano-anong allegations. [...] Parang talagang ginawa na natin ‘to masyadong secular ang dating.”
Kaya naman umaasa si Secillano na sa pamamagitan ng media ay matigil ang pagbanggit sa mga alegasyon na may kinalaman sa pagkatao ng mga susunod na Santo Papa.