Sugatan ang isang dating Punong Barangay ng Brgy. Hicming, Virac, Catanduanes matapos umano siyang dukutin ng mga armadong kalalakihan matapos bugbugin at pagnakawan bago tuluyang pinakawalan.
Ayon sa mga ulat, madaling araw ng Mayo 6, 2025 nang nang pwersahang isakay ang biktimang 53-anyos na lalaki sa isang commuter van. Sinasabing pumunta umano ang mga suspek sa bahay ng biktima at nagpanggap na may idedeliver na sabon. Tuluyan daw nahagip ng mga suspek ang biktima matapon nitong buksan ang pinto sa kanilang tahanan.
Batay pa sa mga ulat, tinangay ng mga suspek ang sling bag ng biktima na naglalaman ng tinatayang ₱40,000. Kasama rin sa mga nilimas ng suspek ang cellphones ng biktima.
Bandang 6:00 ng umaga nang tuluyan umanong pakawalan ng mga suspek ang biktima na kanilang piniringan at saka ibinaba sa Brgy. Hawan Ilaya sa kaparehong bayan. Agad umanong humingi ng saklolo ang biktima na mabilis ding narespondehan ng mga pulis at saka siya dinala sa ospital.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, partikular na sa CCTV ng mga lugar na posible umanong dinaanan ng sinasakyang van ng mga suspek. Inaalam na rin daw ng Commission on Election (Comelec) Catanduanes ang anggulong may kaugnayan ito sa election-related incidents lalo pa’t naging sangkot ang biktima sa politika na nagsilbi ng 20 taon bilang Kapitan ng kanilang barangay.