May 07, 2025

Home BALITA

Cebu Technological University (CTU) ni Frasco sa Liloan, tuloy ang usad

Cebu Technological University (CTU) ni Frasco sa Liloan, tuloy ang usad

Patuloy na umuusad ang konstruksyon ng Cebu Technological University (CTU), ang pinakamalaking campus ng pampublikong unibersidad sa Liloan, ika-5 Distrito ng Cebu. Ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalawak ng access sa dekalidad na edukasyon—isang adbokasiyang isinusulong ni Deputy Speaker at 5th District Representative Vincent Franco “Duke” Frasco.

Naisakatuparan sa bisa ng Republic Act No. 11751 na inakda ni Frasco at naipasa noong 2022, ang CTU-Liloan ay inaasahang matatapos sa 2026, at magsisimulang tumanggap ng mag-aaral sa 2027. Upang matiyak ang ganap at napapanahong pagkompleto nito, mahigit PHP 500 milyon ang inilaang pondo para sa proyekto, at may karagdagan pang pondo ngayong 2025 at mga susunod na taon.

Sa pagtatapos ng konstruksyon, ang Liloan campus ay magtatampok ng dalawang multi-level na gusali, isang arena at auditorium na may kapasidad na 6,000 katao, at isangmodernong sports complex na may grandstand at athletics oval. Layunin ni Frasco na paglingkuran ang mga mag-aaral mula sa parehong mainland at pulo-pulo ng Kinto Distrito, at mag-ambag sa pangmatagalang pag-unlad ng komunidad at ekonomiya.

Bilang bahagi pa rin ng kanyang adbokasiya para sa mas pinalawak na edukasyong publiko, inakda rin ni Frasco ang House Bill No. 11143 na naglalayong magtatag ng panibagong campus ng Cebu Normal University (CNU) sa bayan ng Poro, Camotes Island. Inaprubahan ito ng House Committee on Higher and Technical Education ngayong taon at sumasalamin sa lumalakas na panawagan para gawing mas abot-kamay ang mga state universities para sa mga mag-aaral sa malalayong lugar.

Eleksyon

Ipe, suportado ng mag-inang Honeylet, Kitty

“Hindi dapat nakabatay sa lokasyon ang access sa dekalidad na edukasyon,” ani Frasco. "Bawat estudyante—maging sila man ay nasa kabundukan o baybaying-dagat—ay kailangan ng pantay na oportunidad para magtagumpay. Ito ang prinsipyo sa likod ng aming patuloy na pagsisikap na palawakin ang saklaw ng state universities."

Ang mga inisyatibang ito sa antas ng kolehiyo ay bahagi ng mas malawak na programa ni Frasco na alisin ang hadlang sa pagkatuto ng kabataan sa kanyang distrito. Mula noong 2019, ang kanyang district-wide scholarship program ay nakatulong na sa mahigit 72,000 scholars mula sa mga bayan ng San Francisco, Poro, Compostela, Carmen, Sogod, Catmon, Danao City, Tudela, Pilar, at Borbon. Umabot na sa mahigit PHP 280 milyon ang nailaan para sa educational assistance upang matulungan ang mga mag-aaral sa harap ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa edukasyon.

Sa antas naman ng elementarya, sinuportahan din ni Frasco ang mga pangunahing pangangailangan sa edukasyon sa pamamagitan ng pamamahagi ng 2,857 backpack at notebook sa mga Grade 1 pupils sa lahat ng barangay ng Danao City. Namahagi rin siya ng lunch allowance sa mga mag-aaral ng Barangay Suba bilang dagdag suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

"Ang pagpapabuti ng access sa edukasyon ay nangangailangan ng pangmatagalang pananaw, pero kinakailangan ding tugunan ang agarang pangangailangan),” dagdag pa ni Frasco. “Mula sa unang araw ng isang bata sa paaralan hanggang sa kanyang pagtatapos sa unibersidad, layunin nating masiguro na may mga konkretong programa, matibay na ugnayan, at makataong polisiya na umaagapay sa bawat yugto ng kanilang pag-aaral."

Sa pagpapatuloy ng mga imprastruktura, pagpasa ng mga batas, at suporta ng lokal na pamahalaan, isinasakatuparan ang adbokasiya sa edukasyon ng Kinto Distrito bilang huwaran ng isang tuloy-tuloy at inklusibong pag-unlad.