Diretsahang natanong ni Asia's King of Talk Boy Abunda si TV host-senatorial candidate Willie Revillame kung anong batas ang naiisip niya ipanukala kapag nanalo siya sa Senado.
Sumalang sa panayam ni Boy si Willie na mapapanood sa social media page ng huli, na umere ng Miyerkules ng gabi, Mayo 7.
Bago ang aktuwal na tanong ay naisalaysay muna ni Willie na galing siya sa hirap at lumaki siyang mahirap bago niya naabot ang estado niya ngayon sa buhay.
Kaya ito ang bitbit ni Willie kapag pinalad siyang manalo sa kandidatura sa pagkasenador.
"Alam mo para sa akin, batas para sa mahirap," giit ni Willie. "Dapat may batas tayong tumitingin sa ating mga kapos-palad na kababayan. Sino ba mga bumoboto? Sino mga tumatangkilik sa atin, mahihirap. Dapat ibinabalik din natin sa kanila 'yan. Iyan ang batas na gusto kong gawin. Batas para sa mahihirap."
"Ano ang kailangan ng mahirap? Mabuhay nang maayos. 'Di ba? Hindi 'yong nabubuhay na laging may sakit. Ganitong nararamdaman. Walang trabaho. Walang edukasyon. Iyan ang pinaka-basic na kailangan natin," aniya pa.
Ipinangako rin ni Willie na malinis ang kaniyang konsensya at hindi raw siya mangungurakot kung sakaling palarin siya ng isang puwesto sa senado.
KAUGNAY NA BALITA: Kahit si FPRRD: Willie Revillame, matagal nang hinihikayat sumabak sa politika