Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tanging 31,000 lamang na persons deprived of liberty (PDL) ang makakaboto sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
Tinatayang nasa 115,000 ang bilang ng PDLs sa bansa.
Sa panayam ng People’s Television Network (PTV) kay BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera, ipinaliwanag niya kung bakit makakaboto ang nasabing bilang ng inmates.
“Sila ay mga newly-commit o mga bagong kulong pa lamang at hindi nakapagparehistro kung saan ang location ng aming kulungan,” ani Bustinera.
Dagdag pa niya, “Ang mga nakakulong sa BJMP ay mga nililitis pa. Ibig sabihin, presumed innocent until proven guilty otherwise at ang karapatan nilang bumoto or their right to suffrage ay intact pa din.”
Paliwanag pa niya, pawang mga paso na raw o ‘di naman kaya ay hindi pa rehistrado sa Commission on Elections (Comelec) ang natitirang 80,000 na inmates na hindi makakaboto sa paparating na eleksyon.
Nabanggit din ni Bustinera ang magiging sistema raw nang pagboto ng mga PDLs.
“Ibig sabihin po, doon na sila sa loob ng kulungan boboto at mayroon nasa 1,000 na PDL na dadalhin sa labas, sa mga community polling precinct. Welcome po yung mga observers, watchers sa loob ng kulungan. Subject to inspection lang ito bago pumasok ng jail,” aniya.