Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na tingin niya’y mas mataas pa sa mayorya ng mga botante ang sumusuporta sa “Duter10” senatorial candidates, ngunit nangangamba raw siya sa “dayaan” at “vote-buying” sa eleksyon.
“Well, as with any elections, hindi namin alam kung ano talaga yung results. But so far, kung basehan lang naman natin ‘yung reception o pagtanggap ng mga tao sa mga senator candidates ng DuterTEN, ng PDP, okay naman. I think we have more than a majority support,” ani Duterte sa isang media interview noong Linggo, Mayo 4, na inulat ng Manila Bulletin.
“But syempre, mayroon din kaming concerns sa dayaan at mayroon din kaming concerns sa iyong vote-buying,” dagdag niya.
Iginiit din ng bise presidente na may mga ulat umanong may access ang local candidates ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa budget ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Dagdag ni Duterte, kakausapon nila ang PDP-Laban hinggil sa umano’y pang-aabuso sa AKAP at AICS, habang ikinalungkot niyang binigyan umano ng exemption ng Commission on Elections (Comelec) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“So, lumalabas na parang ngang legal vote buying ang nangyayari ngayon,” saad niya.
Binubuo ang “Duter10” ng PDP senatorial candidates nina reelectionists Senador Bato dela Rosa at Bong Go, mga abogadong sina Jimmy Bondoc, Vic Rodriguez, JV Hinlo, Raul Lambino, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta, Pastor Apollo Quiboloy, Dr. Richard Mata, at dating aktor na si Philip Salvador.
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.