Patay ang isang logistics worker matapos mahulog sa bangin sa Cagayan de Oro ang sinasakyan nitong truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon na gagamitin sa 2025 midterm elections.
Bukod sa isang nasawi, dalawa pa ang kumpirmadong sugatan dahil sa naturang aksidente nitong Martes, Mayo 6.
Inihayag naman ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco sa panayam ng Teleradyo Serbisyo na iniimbestigahan na ng komisyon ang nangyari at nakikipag-ugnayag na raw sila sa Philippine National Police (PNP) at maging sa service provider nilang “F2 Logistics” na mag-ari ng truck.
Ani Laudiangco, maayos pang naihatid sa mga presinto sa Bukidnon ang mga gagamiting balota sa darating na 2025 midterm elections.
“Pagkatapos pong maghatid sa Bukidnon, pabalik po ito at doon nga po naganap yung malagim na insidente po, sakuna,” aniya.Nang tanungin kung may pananagutan ba ang Comelec sa aksidente, sinabi ni Laudiangko na ang kompanya umano ang may pananagutan dahil sila “independent contractor.”
“Ang kontrata lang po ng Comelec sa kanila, ang babayaran po ay kada delivery,” anang tagapagsalita ng Comelec.
“Hindi nga po kami nakikialaman kung anong means of transportation ang gagamitin nila. Basta po ang requirement ng Comelec sa deployment, ito ang ipapadala, ganito kabigat, kailangang makating sa isang lugar na ganito, point to point po ang delivery po natin. Services po ang binabayaran natin,” saad pa niya.