Humingi ng paumanhin ang voice artist na si Inka Magnaye matapos niyang i-post ang tungkol sa nadaanang road accident sa Shaw Boulevard tunnel.
Ang Shaw Boulevard ay nagkokonekta sa dalawang lungsod sa National Capital Region, ang Mandaluyong at Pasig City.
Gabi ng Lunes, Mayo 5, ibinahagi ni Inka sa kaniyang Facebook post ang ilang mga larawan kung saan makikita ang isang motorsiklong nakatumba, at ang sakay nitong nakaupo sa daan.
Kalakip din sa post ang larawan ng isang puting sasakyan, kung saan makikita ang plate number nito.
Ang intensyon ni Inka ay matulungan ang nabanggit na naaksidenteng motorista.
"This hit and run happened just now at the Shaw Boulevard sb tunnel," mababasa sa Facebook post ni Inka.
"The motorcyclist is injured, and this vehicle LEFT the scene. He just drove away and even went past us now. Why have there been so many accidents lately?"
"I hope someone can go to the motorcyclist and help ," dagdag pa niya.
Makalipas ang ilang sandali, bandang 9:22 ng gabi ay nagbigay siya ng update tungkol sa nangyari. Sinabi rin ni Inka na tinake down na niya ang naunang Facebook post tungkol dito.
"The driver of the vehicle (idk if it’s really him) commented and said they lost brakes and slipped but didn’t hit the rider. I wish I could ask the rider what happened, but I removed the post na rin bc rescue efforts were already made and the tunnel has been cleared," aniya.
"Just please be careful on the road," dagdag pa niya.

Sa comment section ng Facebook post na ito, isang netizen ang nagbigay naman ng update hinggil sa sitwasyon ng naaksidenteng motorcycle rider.
Mababasa, "coordinated with Wackwack Substation 3. Nai-transport na daw po yung rider sa hospital. Kinukuha pa nila yung details kung saan dinala at sinong responders ang nag transport sa patient. Here's their number po. 89854613. Baka makatulong din kayo to give info ng naka hit kay rider and file a report."
Tumugon naman dito si Inka, "thank goodness!! Okay will call them!"
Isang netizen naman ang pinuri ang ginawa ni Inka dahil sa kaniyang concern sa nangyari. Mababasa, "Inka Magnaye tama lang po ma'am ginawa nyo. Kahit nawalan Ng preno dapat di sila tumakbo. Kahit Sino na driver alam nila if may natamaan o Wala Sana man lang huminto di Yun mukhang nagtawanan pa sila. driver din ako kaya Mali ginawa nila. Biktima din aq ng binangga kami 2019 at traumatic sa akin Yun Kasi 8 months pregnant ako kaya nakakainis sa mga driver tinatakbuhan Ang pinagkasalaan nila."

Hindi na tumugon dito si Inka at wala na ring nagkomento sa sinabing ito ng netizen.
Martes ng umaga, Mayo 6, bandang 11:41 ng umaga, muling nagbigay ng update si Inka tungkol sa insidente.
Aniya, "I wanted to share this to take accountability for my post yesterday. In the rush of the moment and with all the accidents lately, I thought I saw injustice happening and thought I could do something to help."
"I was wrong to post without first being ABSOLUTELY certain of what happened. I’d like to apologize to Sir Marlon, the driver of the van, for putting him through stress. I thought what I was doing was right, but intent doesn’t negate impact."
"I’m reminded and humbled by the power of social media and how to use it responsibly."

Kalakip ng Facebook post ni Inka ang komento naman ni "Marlon," ang tinutukoy niyang nagmamaneho ng puting sasakyan sa ngayo'y deleted post.
Makikita ang komento ni Marlon sa comment section ng ulat ng Balita patungkol sa naunang post ni Inka.
Mababasa, "good evening! ako po yung driver ng puting van at ang nangyari po ay self accident wala pong hit & run na nangyari.."
"actually, galing po ako sa mandaluyong traffic bureau para mag report."
"sa driver po ng motorcycle magreport ka din po para marinig side mo ano talaga totoong nangyari," aniya pa.

Nagpadala naman ng e-mail sa Balita si Inka upang makiusap na i-take down ang ulat, matapos niyang makausap si Marlon, at ma-take down din ang nauna niyang Facebook post tungkol dito.
Samantala, nakipag-ugnayan naman ang Balita kay Marlon upang mahingi ang kaniyang panig sa mga nangyari.