Tuwing sasapit ang halalan sa Pilipinas, tila inaabangan ng nakararami ang pag-endorso ng religious group na Iglesia Ni Cristo (INC).
Tradisyunal kasing "nililigawan" ng mga kandidato ang mga pinuno ng INC at mga miyembro upang makuha ang suporta nito.
Ngunit bakit nga ba hinihingi ng mga kandidato ang pagsuporta ng Iglesia ni Cristo?
Malaki umano ang impluwensya ng INC pagdating sa larangan ng politika hindi dahil isa sila sa may pinakamarami o pinakamalaking miyembro, kundi kilala rin sila sa kanilang solidong “bloc-voting" na kung saan inaasahan na iboboto ng mga miyembro nito ang kanilang mga iniendorsong kandidato.
Ginagawa ito ng kanilang mga miyembro dahil sa kanilang tunay na pagkakaisa na batay sa kanilang doktrina.
Ang pananaw ng INC ay ang pagkakaroon umano ng pagkakaisa sa pananampalataya at sa paggawa. Ang mga miyembro nito ay nakatuon sa buhay na banal na batay sa katuruan at nakatuon din sila sa lahat ng kanilang tungkulin bilang mga Kristiyano.
Pumipili ang mga lider nito ng mga ie-endorsong kandidato na batay umano sa aral sa Bibliya na dapat sundin.
Tinatayang nasa mahigit tatlong milyon ang miyembro ng INC sa Pilipinas habang mahigit dalawang milyon naman ang rehistradong botante nito.
Ang INC ay itinatag ni Bro. Felix Y. Manalo noong Hulyo 27, 1914. Kasalukuyan naman itong pinamumunuan ni Bro. Eduardo V. Manalo.