Nagbigay ng reaksiyon at komento ang showbiz insider na si Ogie Diaz tungkol sa isang kumakalat na video ng TV host at senatorial aspirant na si Willie Revillame habang nangangampanya at namimigay ng jacket sa mga tao.
Ang pamimigay ng jacket ay trademark na ni Willie kahit hindi pa man sumasabak sa politika, na ginagawa niya sa kaniyang programang "Wowowin" at "Wil To Win."
Ibinahagi ni Ogie ang Facebook post ng isang netizen na nagpapakita ng nabanggit na video ni Kuya Wil.
"Pag hindi bukal sa loob mo ang pagtulong kita yan sa kilos at gawa mo last resort mo na kaso ang politika para makabawi ka sa lugi mo," mababasa sa caption ng post.
Dagdag pa sa text caption na nasa mismong video, "HB SI KOYA WILL MUKANG HINDI NYA GUSTO GINAGAWA NYA."
Makikita naman sa video na tila may kausap si Willie sa isa sa mga taong nag-aabang sa kaniyang pa-jacket at tila mayroon siyang sinaway.
Shinare nga ito ni Ogie sa kaniyang Facebook account at kinomentuhan sa pamamagitan ng caption.
"Dapat aware ang kandidato sa kanyang behavior pag nangangampanya, lalo na’t ang daming nakatutok na camera sa yo.
Hindi dapat pinapairal ang init ng ulo. Alam naman nating mainit na ang panahon, kaya pasensiya ang dapat pahabain. Paano tayo iboboto nyan kung nakakalimutan nating ngumiti man lang kahit hindi na magbigay ng jacket?" anang Ogie.
"Hindi naman porke laging nagagalit sa harap ng kamera o pinapagalitan ang mga staff o co-hosts on air eh tatanggapin din ng mga tao yung ganun ding pag-uugali sa panahon ng kampanya."
"Lagi nating iisipin na nanliligaw tayo ng botante para iboto tayo at ipanalo. Pass na muna sa, 'Eh sa ganito ugali ko, eh. Nagpapakatotoo lang ako.'"
"Jacket lang ang ipinamimigay, hindi naman titulo ng house and lot. So hindi dapat ganyan ang attitude," saad pa ni Ogie.

Sa kabilang banda, may netizens din ang nagtanggol kay Willie at nagsabing huwag husgahan kaagad ang senatorial candidate dahil kung titingnan daw ang float, mukha siyang nakasimangot dahil tumatama sa kaniya ang sinag ng araw, at lubhang mainit din ang panahon.
Sinisi rin ang ilang mga taong humihingi ng jacket na tila "big deal" ito.
"Puro kayo batikos"
"Aanuhin ba nila jacket? Subrang init naman ng Pinas kahit tag ulan na."
"Masyado naman kasi mga tao, parang jacket lang, akala mo naman pagkain o pera pinamimigay."
"Huwag natin husgahan kasi hindi naman natin narinig kung ano yung sinabi sa kausap niya."
"Nakakalungkot at nakakainis makakita ng mga ganitong tao. Kaya walang asenso ang bansa dahil parang hindi sila mabubuhay ng walang bigay. Tingnan nyo si Willie Revillame mukhang galit na galit sa mga taong parang mga gutom na gutom sa jacket na yan."
"kitang kita na sa video na ito sakit ng Pinas.. mga tao na walang ginawa kundi manghingi at masaya na sa makukuha nila na pera o materyal na bagay. Mabubulok ang Pinas pag laging ganito sistema, kaya naiiwan ng ibang bansa walang kwenta mga botante."
"Baka pagod na rin yung tao, kayo naman..."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Willie tungkol dito.