May 29, 2025

Home BALITA Politics

Bong Go, nananatiling 'top senatorial candidate' sa survey ng Pulse Asia

Bong Go, nananatiling 'top senatorial candidate' sa survey ng Pulse Asia
Photo courtesy: Sen. Bong Go/FB

Muling nanguna si reelectionist Senator Bong Go sa April senatorial survey ng Pulse Asia para sa papalapit na 2025 midterm elections.

Base sa Pulse Asia survey na inilabas nitong Lunes, Mayo 5, 62.2% daw ng mga Pinoy na nagsilbing respondents ng survey ang nais muling mahalal si Go bilang senador.

Sumunod naman kay Go sa rank 2-4 sina ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na nakatanggap ng 42.4% voter preference, dating Senate President Tito Sotto na may 41.1%, at reelectionist Senator Bato dela Rosa na nakakuha naman ng 41% voter support.

Nakuha naman ni reelectionist Senator Bong Revilla (35.6%) ang rank 5-8, si dating senador Ping Lacson (33.8%) sa rank 5-9; si media personality Ben Tulfo (33.5%) sa rank 5-10, si reelectionist Senador Lito Lapid (32.2%) sa rank 5-11, at si Makati Mayor Abby Binay (30.2%) sa rank 6-13.

Politics

Sotto, iginiit na walang 'independent bloc' sa Senado

Nakatungtong din sa magic 12 ng survey sina reelectionist Senator Pia Cayetano (29.9%) na nasa rank 7-13, television host Willie Revillame (28.6%) na nasa puwestong 8-14, Las Piñas Rep. Camille Villar (28.3%) at dating Senador Manny Pacquiao (28.3%) na kapwa nasa rank 9-14, at dating Senador Bam Aquino (25.4%) na nasa rank 11-18.

Samantala, nakuha naman nina reelectionist Senator Imee Marcos at actor Philip Salvador at ang puwestong 14-18 matapos silang makakuha ng voter preference na 24.7% at 23.7%, ayon sa pagkakabanggit.

Nakuha nina Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta (23%) at Interior Secretary Benhur Abalos (22.9%) ang rank 14-19.

Nakatanggap naman si dating Senador Kiko Pangilinan ng voter preference na 19.8% sa puwestong 17-19, habang nakuha ng singer na si Jimmy Bonoc ang 16.6% na nasa ranggkong 20-22.

Isinagawa ang naturang survey mula Abril 20 hanggang 25, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,400 Pinoy na nasa edad 18 pataas.