Isinapubliko ng apo nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino na si Kiko Dee ang mga napili niyang senador para sa darating na 2025 midterm elections.
Sa latest Facebook post ni Dee nitong Lunes, Mayo 5, isa-isa niyang inilatag ang dahilan kung bakit niya napili ang walong indibidwal.
“Starting with the obvious ones,” panimula ni Dee. “Bukod sa Tito ko siya, Bam is the education senator we need in the face of an education crisis. 2025 will be the last budget to see cuts in education for a long time if he makes it back to the Senate.”
“Kiko Pangilinan achieved record low rice prices while hitting 90+% rice self-sufficiency while he was in Tito Noy's cabinet. Free school meals is a tried and tested policy from America to Indonesia,” wika niya.
Bukod kina Kiko at Bam, kasama rin sa listahan niya si Luke na aniya’y senatorial candidate na sumasalamin sa kasalukuyang pananaw niya sa politika sa Pilipinas.
Pasok din si Heidi Mendoza na may mahabang kasaysayan sa pagsugpo ng korupsiyon bagama’t tila dealbreaker ang tindig sa usapin ng same-sex marriage at divorce.
Hindi rin kinalimutan ni Dee si Sonny Matula na kahit low key, consistent naman ang paninindigan at kaisa sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa huli, ikinonsidera ni Dee ang dalawang kandidato mula sa Makabayan bloc na sina France Castro at Arlene Brosas.
Ayon sa kaniya, “Marami akong sama ng loob sa Makabayan bloc, pero sa 19th Congress, mahusay nilang ginampanan ang papel nila bilang oposisyon kina Marcos at Duterte.”
Kaya naman sa tingin ni Dee nararapat lang umanong mabigyan ng suporta ang dalawang binanggit na kandidato ng Makabayan.
Samantal, sa party-list naman, sinusuportahan ni Dee ang Mamamayang Liberal (ML) na ang unang tatlong nominado ay binubuo nina Leila De Lima, Teddy Baguilat, at Erin Tañada.