Ibinida ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na dahil daw sa tulong ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto ay pumapasok na ang pamumuhunan sa bansa para sa trabaho, agrikultura, at sa pag-unlad ng ekonomiya.
Sinabi ito ng Pangulo matapos ang campaign sortie ng "Alyansa Para sa Bagong Pilipinas" sa Batangas noong Sabado, Mayo 3.
"Napag-isa na natin ang buong bansa sa pamamagitan ng iisang power grid, sinisimulan na ang kauna-unahang subway sa bansa, at sinisigurado nating walang Pilipinong mapag-iiwanan pagdating sa internet access at kahandaan sa sakuna," aniya.
"At sa tulong ng mga Batangueño—lalo na ni Secretary Ralph Recto—pumapasok na ang trilyon-trilyong pamumuhunan para sa trabaho, agrikultura, at sa pag-unlad ng ating ekonomiya."
"Simula pa lang ito. Alyansa ang magpapatuloy ng ating nasimulan."
Sa nabanggit na sortie ay ipinangako rin ni PBBM na magiging operational na ang subway o Metro Manila Subway Project (MMSP) bago siya bumaba sa kaniyang puwesto sa 2028.
MAKI-BALITA: Dating sa sine lang: Subway, pangako ni PBBM bago matapos sa puwesto!