Ipinangako ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na bago matapos ang termino niya bilang Pangulo, magiging operational muna ang subway sa Pilipinas.
Sinabi niya ito sa isinagawang campaign sortie ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na ginanap sa Batangas City Sports Coliseum, Batangas City, Batangas.
"Bago po ako matapos bilang Pangulo, magkakaroon na tayo ng subway dito sa Pilipinas," aniya.
"'Yong subway, 'yong tren na dumaraan sa ilalim ng lupa. 'Yong nakikita po natin dati, nakikita lang natin sa sine 'yan, meron na po tayo dito sa Pilipinas," dagdag pa niya.
Malaking tulong daw aniya ang nabanggit na subway upang malunasan ang lumalalang trapiko sa bansa.
Muli pa niya itong iginiit sa kaniyang Facebook post pagkatapos ng campaign event.
"Napag-isa na natin ang buong bansa sa pamamagitan ng iisang power grid, sinisimulan na ang kauna-unahang subway sa bansa, at sinisigurado nating walang Pilipinong mapag-iiwanan pagdating sa internet access at kahandaan sa sakuna."
"At sa tulong ng mga Batangueño—lalo na ni Secretary Ralph Recto—pumapasok na ang trilyon-trilyong pamumuhunan para sa trabaho, agrikultura, at sa pag-unlad ng ating ekonomiya."
"Simula pa lang ito. Alyansa ang magpapatuloy ng ating nasimulan," aniya pa.
Kung babalikan , matatandaang nagsimula ang construction ng Metro Manila Subway Project (MMSP) noong 2019 subalit natigil ito dahil sa pandemya. Subalit nag-umpisa na umano ulit ang tunneling noong 2023.
Kapag natapos, inaasahang pag-uugnayin ng subway ang mga lungsod ng Valenzuela at Pasay sa National Capital Region (NCR), at magkakaroon din ng linya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
KAUGNAY NA BALITA: DOTr, kumpiyansang makukumpleto ang subway project sa 2029
Tinatayang aabot rin sa 519,000 pasahero ang mapagsisilbihan nito araw-araw.
Samantala, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon noong Marso 2025 na baka sa 2032 pa maging "partially operational" ang nabanggit na subway, na inaasahan namang matatapos sa 2028, taon ng pagtatapos ng termino ni PBBM.
"Napakarami pong delays. Mukhang mahihirapan tayo na matapos ‘yong subway ng 2028. Mukhang malabo po 'yan. Pipilitin natin pero masuwerte na po kung makakaisang estasyon tayo," pahayag noon ni Dizon sa panayam sa kaniya ng TeleRadyo Serbisyo.