Hindi na lingid sa kaalaman ng marami na bukod sa mga miyembro ng Electoral board, ay may ilang indibidwal pang nagmamasid sa loob ng isang voting precinct—sila ang poll watchers na may pribilehiyong magkaroon ng awtorisadong pagkakataong makisangkot sa mga kaganapan sa araw ng botohan.
May kalayaan ang mga kandidato na pumili ng kani-kanilang tatayong poll watchers sa araw ng botohan. Ngunit, sa kabila nito ay may itinakdang regulasyon ang Commission on Elections (Comelec) hinggil sa pagkuha ng mga poll watchers.
Sino-sino ang maaaring maging poll watchers?
Ayon sa Comelec, maaaring mag-appoint ng poll watchers ang mga sumusunod:
-Mga kandidato
-Political parties
-Partlist groups
-Duly accredited citizens arms
-At iba pang awtorisadong organisasyon
Ang ang kwalipikasyon upang maging poll watcher?
Sa pagpili ng kani-kanilang mga mata sa halalan, narito ang dapat tandaan kung sino-sino nga lang ba ang maaaring tawaging kwalipikado at awtorisadong poll watcher:
-Rehistradong botante
-May magandang reputasyon
-Hindi convicted
-Walang kaugnayan sa isang kandidato: Ayon sa Comelec, hindi maaaring maging watcher ang isang taong kamag-anak ng isang kandidato hanggang sa ikaapat na civil degree.
Kung sakaling pasado na ang isang indibidwal sa mga hinihingi ng Komisyon, narito naman ang mga bagay na dapat niyang asahan sa mga tungkuling kaniyang gagampanan sa araw ng election.
Mga tungkulin ng poll watchers
-Obserbahan ang Electoral board
-Isulat ang mga posibleng anomalya na nakita sa paligid at loob ng voting precinct,
-Kumuha ng litrato o video kung sakaling may mangyaring aberya sa oras ng botohan at sa mismong bilangan ng boto,
-Umalma kung sakaling may kahina-hinalang nangyayari sa loob ng voting precinct-At tumanggap ng kopya ng election returns upang isumite sa Comelec.
Samantala, nakasaad din sa sa Comelec Resolution No. 111000, na kinakailangang maipasa ng bawat kandidato, partido at mga organisasyon ang opisyal na listahan ng kanilang poll watchers, 15 araw bago ang eleksyon.