Iginiit ni Vice President Sara Duterte na wala umanong ginagawa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa bayan kaya’t wala raw masabi si Presidential Communications Office (PCO) undersecretary Claire Castro kundi “umatake sa mga kalaban.”
Ang naturang pahayag ni Duterte sa panayam ng mga mamamahayag nitong Biyernes, Mayo 2, ay bilang pagbuwelta sa patutsada ni Castro na dapat umano niyang itigil ang pamumulitika, bagkus ay “i-level up” ang pakikipag-argumento, “rason sa rason, datos sa datos.”
Buwelta pa ng bise presidente, si Castro umano ang unang namomolitika gamit ang opisina ng Office of the President.
“Dapat sinasabi niya ‘yan sa sarili niya kasi siya yung unang-unang namomolitika gamit ang opisina ng Office of the President. Nakakahiya sa buong mundo na ganiyan yung nagsasalita para sa opisina ng Pangulo,” ani Duterte.
Sinabi rin ng bise na dapat na umanong itigil ni Castro ang pag-atake sa mga kalaban ng tinawag niyang “boss” nito, bagkus ay ituon ang sarili sa pagsasalita sa mga programa ng pangulo.
“Dapat siyang pumunta sa harap ng salamin at sabihin niya ‘yan na ngayong araw na ito ay hindi na ako aatake sa mga kalaban ng aking boss at sasabihin ko lang ay ang mga ginagawa ng aking boss para sa bayan,” ani Duterte.
“Apparently, wala kasing ginagawa yung si BBM para sa ating bayan kaya wala din masabi yung tagapagsalita. So sabi ko nga, garbage in, garbage out,” saad pa niya.
Matatandaang sa isang press briefing nitong Biyernes, Mayo 2, itinanggi ni Castro ang naunang pahayag ni Duterte na “pamumulitika” umano ang pagpapaimbestiga ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa PrimeWater ng mga Villar, at iginiit na wala na umano silang inaasahang magandang lalabas mula sa bibig ng bise presidente.
“Kung anumang pakikipag-argumento po o pag-diskusyon ng ating Bise Presidente, sana po ay i-level up po natin, rason sa rason. Datos sa datos. Huwag gamitan ng masasamang salita or pagmumura. Tandaan natin, ang Prime Waters, anoman ang naging transaksyon nito, dahil umiiyak ang karamihan, dapat po talagang maimbestigahan. So wala pong pamumulitika ito,” saad ni Castro.
MAKI-BALITA: Palasyo, itinanggi pahayag ni VP Sara na 'politika' lang imbestigasyon ng PrimeWater