May 04, 2025

Home BALITA National

Pulong Duterte, iginiit na ‘gawa-gawa’ lang ‘ebidensya’ sa kasong isinampa laban sa kaniya

Pulong Duterte, iginiit na ‘gawa-gawa’ lang ‘ebidensya’ sa kasong isinampa laban sa kaniya
Rep. Pulong Duterte (MB file photo)

Ipinahayag ni Davao City 1st Districst Rep. Paolo Duterte sa isang meet and greet kasama ang kanilang mga tagasuporta sa The Hague, Netherlands, na gawa-gawa lamang ang isinumiteng ebidensya kaugnay ng kasong isinampa laban sa kaniya ng isang negosyante.

Matatandaang nitong Biyernes, Mayo 2, nang kumpirmahin ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na kinasuhan si Duterte ng kasong physical injuries at grave threats dahil umano sa pambubugbog at pananakot sa 37-anyos na negosyanteng si Kristone John Patria sa Davao.

MAKI-BALITA: Rep. Pulong Duterte, kinasuhan ng 'physical injuries, grave threats'

Sa namang isang panayam na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Duterte na hindi umano totoo ang kumakalat ngayon sa social media na video ng umano’y ebidensya ng pananakit niya sa negosyante.

National

Sen. JV sa nam*kyung motovlogger: 'We should never tolerate this kind of behavior!'

"If they cannot beat you with aid, they will beat you with ‘I will file a case against you.’ That is the new politics in the Philippines now – dirty politics. We’re already used to it," giit ni Duterte.

Ayon sa kongresista, hindi siya makapagbibigay ng opisyal na pahayag dahil hindi pa raw natatanggap ng kaniyang kampo ang kahit anong formal document na nagsasabing naihain ang isang kaso laban sa kaniya.

Sinabihan din daw si Duterte ng kaniyang abogado na inu-authenticate pa nila kung saan galing ang naturang video. 

Samantala, nagbigay ng mensahe si Duterte sa mga mamamayan ng Davao City, kung saan sinabi niyang nasa kanila ang desisyon ng iboboto bilang kongresista ng unang distrito. 

“To my fellow Davaoeños, you’ve seen another video. It happened quite some time ago. It is still your decision who to vote for as congressman of the first district – I won’t interfere,” aniya.

Nagtungo sa The Hague si Duterte upang bisitahin ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon nito.