Inihayag ng Police Regional Office-11 ang plano nilang magsagawa ng legal na aksyon laban sa mga nagpapakalat daw ng maling impormasyon hinggil sa umano'y pag-raid ng pulisya sa tahanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nasa kustodiya ngayon ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong krimen laban sa sangkatauhan.
Ayon kay PRO-11 Director Police Brig. Gen. Leon Victor Rosete na walang naka-iskedyul na operasyon ng alinmang law enforcement unit sa tahanan ni Duterte sa Davao City.
Sinabi rin ni Rosete na walang korte na naglabas ng anumang search warrant laban sa mga ari-arian na nauugnay sa pamilya Duterte.
"Nakipag-ugnayan kami sa CIDG at SAF, at kinumpirma na wala silang ongoing operations na na nauugnay sa tirahan ng dating pangulo. Naberipika ito bilang maling impormasyon," ani Rosete sa lokal na diyalekto.
Dagdag ni Rosete, nagsasagawa ang mga awtoridad ng karagdagang imbestigasyon hinggil sa usapin.
Nagtipon-tipon ang mga tagasuporta sa labas ng bahay ni Duterte, kung saan sinuri rin ng ilan sa mga ito ang mga bahay ng kaniyang pamilya kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y isang search warrant na inilabas noong Miyerkules, Abril 30.
Kinondena ni Davao City first district Rep. Paolo Duterte ang umano'y harassment ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa kaniyang pamilya.
Hindi siya nagbigay ng mga tiyak na detalye tungkol sa diumano'y harassment.
Iginiit ng mambabatas na nag-deploy ang pamahalaan ng pwersa ng pulisya sa Davao City, kabilang daw ang 30 operatiba ng CIDG at 90 miyembro ng Special Action Force (SAF) mula sa Luzon.
Ayon pa sa mambabatas, dinodokumento raw nila ang lahat ng mga pangyayari at nililista ang pangalan ng mga sangkot sa naturang pangha-harrass daw sa kanilang pamilya.
MAKI-BALITA: Pulong Duterte, kinondena umano’y ‘harrassment’ ng PNP-CIDG sa pamilya nila
Sinabi naman ni PNP spokesperson Police Brig. Gen. Jean Fajardo sa isang press briefing sa Camp Crame, Quezon City noong Huwebes, Mayo 1, na pinabubulaanan ni CIDG Director Police Major Gen. Nicolas Torre III na may ongoing operation sa Davao City.
- Ivy Tejano