Nanawagan ang campagin manager ng Makabayan bloc na si Renato Reyes sa mga tagasuporta ng koalisayon na paigtingin pang lalo ang pangangampanya bago dumating ang nalalapit na 2025 midterm elections.
Sa isang Facebook post ng Makabayan noong Sabado, Mayo 2, hinimok ni Reyes ang mga tagasuportang bigkisin ang lakas ng nakikibakang sambayanan.
“Sa huling mga araw ng kampanya, bigkisin natin ang lakas ng nakikibakang sambayanan at ipanalo ang Makabayan, mga kandidato sa Senado, at mga party-list na Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, ACT Teachers Party-list, at Kabataan Party-list,” saad ni Reyes.
Dagdag pa niya, “Walang eskinita at komunidad ang hindi papasukin. Walang mataas na pader ang hindi aabutin para dikitan ng poster. Mag-aambagan tayo para sa campaign materials. Mamamaos tayo sa pagpapaliwanag sa house-to-house at MPT. Mangangalay tayo sa pag-abot ng mga flyers at sample ballots. Pero hindi tayo susuko.”
Nakatakdang ganapin ang National Miting de Avance ng Makabayan sa Mayo 9 sa Tomas Morato Extension sa Quezon City.
Matatandaang kamakailan lang ay hinikayat din ng koalisyon ang kanilang tagasuporta na pumili ng kandidatong senador na malapit sa tinitindigang isyu ng Makabayan upang makompleto ang 12 senatorial line-up.
MAKI-BALITA: Makabayan bloc, hinikayat ang supporters na kompletuhin senatorial line-up