Inendorso ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), ang official political party ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), si senatorial candidate Kiko Pangilinan para sa 2025 midterm elections.
Nitong Biyernes, Mayo 2, nang ibahagi ni Pangilinan sa isang X post ang pagbisita niya kasama ang maybahay na si Mega Star Sharon Cuneta sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Natanggap ng senatotial candidate ang endorso nina MILF Chairman Ahod "Alhaj Murad" Ebrahim, MILF Vice Chairman Mohagher M. Iqbal, Shiek Ali B. Solaiman (Second Vice Chairman), Shiek Muslim M. Guiamaden (Wali of Bangsamoro), at Abdulrauf A. Macacua (BARMM Interim Chief Minister) sa isinagawang Central Committee meeting ng MILF sa Camp Darapanan.
Sa naturang post ay nagpasalamat si Pangilinan sa mainit daw na pagtanggap sa kanila ng MILF Central Committee sa Camp Darapanan, at ang opisyal na pag-endorso ng UBJP sa kaniya.
“First time makarating ni Sharon sa Bangsamoro Region kaya naman napaka-memorable ang pagkakataong ito na makasama ang ating mga kapatid sa Maguindanao at makilala ang mga opisyal ng MILF,” ani Pangilinan.
“Naniniwala tayong hindi pa tapos ang paglalakbay tungo sa kapayapaan. Kailangang ituloy at palalimin pa ang mga reporma at tagumpay na naumpisahan sa Bangsamoro, tungo sa isang makatarungan at masaganang kinabukasan para sa lahat.
“Maraming salamat po sa karangalanng maging bahagi ng inyong patuloy na pagkilos para sa kapayapaan at kaunlaran,” saad pa niya.
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.