Naghain ang Commission on Elections (Comelec) Task Force on Safeguarding Against Fear & Exclusion in Elections (Task Force SAFE) ng disqualification case laban kay Pasay City mayoral candidate Editha "Wowee" Manguerra dahil sa naging “bumbay” remark nito.
Nitong Biyernes, Mayo 2, nang ihain ng Comelec Task Force SAFE ang isang 19-page motu proprio petition laban sa mayoral candidate ng Pasay.
Nakasaad sa petisyon ang layuning idiskuwalipika si Manguerra bilang kandidato bilang alkalde ng Pasay at suspendihin ang kaniyang proklamasyon kung sakaling manalo siya sa eleksyon.
Matatandaang noong Abril 15 nang maglabas ng show cause order ang Komisyon laban kay Manguerra dahil sa naging pahayag niya sa isang campaign activity na pinatutungkulan daw ang foreign students na nag-aaral o kumukuha ng internship sa Pasay City General Hospital.
"Tanggalin na natin ang bumbay para wala nang amoy sibuyas na naiiwan sa Pasay Gen,” binanggit ng Comelec na sinabi ni Manguerra.
MAKI-BALITA: Pasay City mayoral candidate, nakatikim ng show cause order dahil sa kaniyang 'bumbay' remarks
Dinepensahan naman ni Manguerra ang kaniyang sarili sa kaniyang sagot sa show cause order at sinabing hindi raw niya layuning maging “racist” ang kaniyang binitawang mga salita.
Ang “bumbay” ay isang kolokyal na salita sa Filipinong nagpapatungkol sa mga Indian.