Nahaharap ngayon sa kasong serious illegal detention si Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) chief Nicolas Torre III at siyam na iba pang opisyal ng CIDG.
Ayon sa ulat ng local media, nag-ugat ito dahil sa umano'y ilegal na pag-aresto at pag-detine sa negosyanteng si Rotchelle Calle, 48, gamit umano ang "photocopy" ng red notice mula umano sa International Police Organization (Interpol).
Ang naturang red notice laban kay Calle—na inisyu ng Interpol sa kaniya noong Mayo 2, 2023—ay dahil sa kasong "fraud" na inihain sa kaniya ng dati niyang business partner na nakabase sa United Arab Emirates (UAE).
Nitong Marso lamang nang kasuhan ni Calle si Torre at iba pang tauhan ng CIDG dahil sa umano'y ilegal na pag-aresto at pag-detine sa kaniya sa loob umano ng anim na araw.
Nakasaad sa reklamo ng negosyante, nagtungo ang mga tauhan ng CIDG sa kaniyang tahanan noong Nobyembre 19, 2024 upang isilbi ang red notice. Pero, aniya, sinabi umano ng mga tauhan ng CIDG sa kaniya na hindi siya dadalhin ng mga ito sa Bureau of Immigration (BI) kung magbibigay siya ng "pamasko" sa kanila.
Tumanggi umano si Calle at makalipas ang dalawang araw, Nobyembre 21, muli umanong bumalik ang mga tauhan ng CIDG at inaresto siya sa Makati City Hall.
Sa parehong araw ay nakulong umano siya hanggang Nobyembre 27, 2024.
Nobyembre 26, 2024 naman nang hilingin ng Public Attorney’s Office (PAO) kay Torre na palayain si Calle dahil wala silang isinilbing warrant of arrest sa huli.
Giit pa ni Calle, bago umano siya palayain, pinapirma siya ng isang salaysay kung saan nakasaad na kusa siyang sumuko sa mga pulis.
Samantala, nagkaroon umano ng preliminary investigation sa Makati noong Abril 21 at Abril 28, 2025 ngunit hindi sumipot si Torre at kaniyang mga tauhan.
Inisyuhan ng Makati Prosecutors Office ng subpoena ang CIDG chief at mga sangkot na tauhan niya.
Depensa ni Torre, hindi raw nakarating sa kanila ang subpoena kaya hindi raw sila sumipot. Nakita lamang umano niya ang naturang subpoena sa social media.
"Ang nakakalungkot d’yan, ang subpoena ay aking nakita sa social media. Hindi ho nakarating sa akin ‘yan kaya hindi kami naka-attend noong April 21 at April 28," saad ng CIDG chief sa kaniyang panayam kay Ted Failon noong Mayo 2, 2025.
"Hindi talaga nakarating sa akin kaya nga wala akong maisagot dahil hindi ko maintindihan kung ano 'yang reklamo na 'yan," giit pa niya.
Dagdag pa ng CIDG, nagulat na lamang daw siya nang lumabas ang naturang isyu.
"November pa po ‘yan ah. November pa. Ngayon lang ‘yan lumabas at ako’y nagulat. Aba, teka muna, dahil ba magre-retire na si General Marbil? Ayoko man bigyan ng kulay ang mga nangyayari sa ngayon pero ang politika sa loob ng organisasyon ay hindi ko dini-discount ang posibility pero ang case naman na ‘yan, ako’y naniniwala na tama lahat ng aming ginawa sa bagay na ‘yan," ani Torre.
"Ang naalala ko nang hinuli namin 'yang babae na 'yan based sa red notice ng UAE, hindi totoong xerox, original po 'yan, ay humingi kami ng opinyon sa Department of Justice (DOJ), at pagkatapos, even pending ang opinyon ng DOJ, ni-release namin siya dahil nalaman namin na 'yon pala ay may nag-aakusa sa kaniya sa UAE na kasosyo niya sa negosyo rito sa Pilipinas," dagdag pa niya.
Pinayuhan pa aniya si Calle na kasuhan din ang kasosyo nito, na ginawa raw ni Calle noong Nobyembre 27.
Pahayag pa ni Torre, bumalik sa kanila si Calle noong Enero na may dalang warrant of arrest laban sa kasosyo nito at pinahuhuli umano sa kanila ito sa Batangas. Nahuli raw nila ang naturang kasosyo ni Calle.
Sa kasalukuyan, hindi umano maintindihan ni Torre kung bakit siya ang kakasuhan ng illegal detention.