Inihayag ng Department of Agriculture na hahayaan na muna umano nilang matapos ang eleksyon sa Mayo 12, 2025, bago nila ituloy ang pagbebenta ng ₱20 na bigas sa merkado.
Sa panayam ng media kay Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, iginiit niya sa Mayo 13 na lamang daw nila ipagpapatuloy ang paglulunsad ng bentahan ng bigas sa nasabing halaga.
“After elections na po, May 13 to be exact, para po hindi na po tayo magkaroon pa ng anymore issues regarding on the implementation of the project. Because nga po mayroon po sinasabi nila na mayroon pong 10-day ban for ayuda,” ani Guevarra.
Dagdag pa niya, paraan din daw ito upang hindi na mapulitika ang nasabing programa.
“Kahit po yung DA yung magli-lead through kadiwa nga, is hindi po maging ma-politicize yung pagbibigay natin ng bigas,” aniya.
Matatandaang noong Labor Day, Mayo 1 nang ilunsad ng DA ang implementasyon ng bentahan ng ₱20 na bigas kung saan maaaring makabili ng hanggang 10 kilo ang lahat ng indigents, senior citizens, persons with disability (PWDs) at solo parents.