May 03, 2025

Home BALITA National

VP Sara, ‘irrelevant’ tingin sa ‘pagpapatalsik’ kay HS Romualdez: ‘The damage has been done!’

VP Sara, ‘irrelevant’ tingin sa ‘pagpapatalsik’ kay HS Romualdez: ‘The damage has been done!’
VP Sara Duterte at HS Martin Romualdez (Facebook; file photo)

Para kay Vice President Sara Duterte, “hindi relevant” sa ngayon ang umano’y rekomendasyong alisin si House Speaker Martin Romualdez.

Sa isang ambush interview noong Miyerkules, Abril 30, sinabi ni Duterte na wala siyang impormasyon hinggil sa umano’y memorandum na nagrerekomendang palitan si Romualdez bilang lider ng House of Representatives.

Iginiit din ng bise na sa tingin niya ay wala na rin umanong mangyayari kahit tanggalin si Romualdez sa puwesto.

“I don’t think that is relevant right now dahil the damage has been done. Ang laki na ng pagkakamali at korapsyon na ginawa nila sa budget natin,” ani Duterte.

National

19 lugar sa PH, makararanas ng ‘dangerous’ heat index sa Mayo 3

“So palitan man natin si House Speaker Romualdez, hindi na natin maibabalik yung pera na nawala dahil sa korapsyon,” saad pa niya.

Habang sinusulat ito’y wala pa namang komento si Romualdez sa naturang pahayag ni Duterte.

Samantala, kamakailan lamang ay pinabulaanan na ni Presidential Communications Office (PCO) undersecretary Claire Castro ang umano’y memorandum na nag-aatas ng pagpapalakas sa rating ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at pagrekomendang patalsikin si Romualdez.

Matatandaan namang noong Setyembre 2024 nang ipahayag ni Duterte na kaya raw siya nagbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) noong Hunyo 2024 ay dahil kinuha umano nina Romualdez at Appropriations Chair Zaldy Co ang budget na nakalaan para sa ahensya.

MAKI-BALITA: VP Sara, nag-resign sa DepEd dahil kinuha raw nina Romualdez at Co ang budget ng ahensya

Agad namang pinalagan ni Co ang nasabing pahayag ni Duterte at tinawag itong “pambubudol.”

MAKI-BALITA: Zaldy Co, pumalag sa bintang ni VP Sara: 'Pambubudol na naman po 'yan!'

Samantala, noong Pebrero 2024 nang patalsikin ng House of Representatives si Duterte matapos ang mga alegasyong tulad ng “betrayal of public trust, culpable violation of the constitution, graft and corruption and other high crimes.”