Opisyal na ideklara ang San Juan City bilang kauna-unahang drug-cleared city sa buong Metro Manila nitong Biyernes, Mayo 2.
Masayang inanunsyo ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagdedeklara ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing, na binubuo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Department of Health (DOH), sa lungsod bilang drug-cleared city.
Kasunod ang nasabing deklarasyon ng matagumpay na pagsasagawa ng 1st Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing Deliberation and Evaluation para sa aplikasyon ng lungsod bilang drug cleared city at ang 1st Conferment for the Retention of Validated Drug Cleared and Verified Drug Free Barangays para sa CY 2025, na ginanap sa Sangguniang Panlungsod Session Hall.
Bukod kay Zamora, dumalo rin sa naturang event sina PDEA-NCR Regional Director Emerson Rosales, DILG-NCR Regional Director Maria Lourdes Agustin na kinakatawan ni LGOO VII Ana Jury Castillo, NCRPO Director Gen. Anthony Aberin na kinakatawan ni PCOL Angel Garcillano, at DOH-NCR Regional Director Dr. Lester Tan na kinakatawan ni Thea Marie Santiago.
"San Juan achieved 100 percent drug-cleared status across all its barangays in 2023, which is a prerequisite for the city-wide declaration. It is important to note that while barangay-level clearance is a major step, the recognition of a city as drug cleared is a higher and separate distinction, based on stricter and more comprehensive criteria," ani Zamora.
"In addition to its drug-free status, San Juan City also holds the distinction of having the lowest crime volume in the entire Metro Manila," dagdag niya.
Habang pormal na ilalabas pa lamang ang opisyal na Drug Cleared City Certificate at Barangay Seal of Excellence pagkatapos alisin ang election moratorium ng Commission on Elections (Comelec), may bisa na ang deklarasyon.
Nangako naman ang alkalde na pananatilihin nila ang nasabing tagumpay, at sinabing gagawin ng lungsod ang lahat upang mapanatili ang drug-cleared status nito sa mga darating na taon sa pamamagitan ng pagpapatuloy nila ng kanilang enforcement, rehabilitation, at prevention programs.
Ipinahayag din niya ang kaniyang pasasalamat sa oversight committee, sa San Juan Police, sa mga opisyal ng barangay, sa City Anti-Drug Abuse Council, sa lahat ng department heads na kasangkot, at sa mga mamamayan ng San Juan, at binigyang-diin na ang pagpapanatili ng tagumpay na ito ay nangangailangan ng buong kooperasyon ng bawat mamamayan.
Nanawagan din ang alkalde sa lahat ng San Juaneño na tumulong na mapanatili ang pagiging drug-cleared ng lungsod.
Patrick Garcia