May 03, 2025

Home BALITA National

PBBM, hindi makikialam sa suspensyon ni Cebu Gov. Garcia – Malacañang

PBBM, hindi makikialam sa suspensyon ni Cebu Gov. Garcia – Malacañang
(Photo courtesy of PCO via MB)

Matapos maglabas ng pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Huwebes, Mayo 1, sinabi ng Malacañang nitong Biyernes, Mayo 2, na hindi makikialam ang pangulo sa kinahaharap na suspensyon ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia.

Matatandaang iginiit ni Marcos sa isang pahayag nitong Huwebes na dapat tratuhin nang patas si Garcia at mahalagang isulong ang “rule of law” at “due process,” lalo na raw ngayong papalapit na ang eleksyon.

“Governor Garcia has served Cebu with strength and consistency. Until all legal questions surrounding this suspension are resolved, she deserves to be treated fairly and with the respect owed to her office,” ani Marcos.

“Let us not allow politics to get in the way of public service. We must always be guided by the law, by prudence, and by what is best for the Filipino people,” dagdag niya.

National

19 lugar sa PH, makararanas ng ‘dangerous’ heat index sa Mayo 3

MAKI-BALITA: PBBM, nagsalita hinggil sa pagsuspinde kay Cebu Gov. Gwendolyn Garcia

Sa isa namang press briefing nitong Biyernes, tinanong si Presidential Communications Office (PCO) undersecretary kung makikialam ba ang pangulo sa kaso ni Garcia.

"Hindi po gagawin ng Pangulo iyan,” sagot ni Castro.

Sinabi rin ng PCO undersecretary na gusto lamang umano ng pangulong “paigtingin ang rule of law at patibayin ang due process.”

"Ang pananaw po ng Pangulo ay laging kung ano ang dapat sa batas. Hindi po natin gagamitin yung excuse ng pamumulitika. Maaari siguro na may mga issues patungkol sa pamumulitika, but still ang Pangulo, ang gusto lamang po niya ay masunod kung ano ang sinasabi ng batas,” saad ni Castro.

Matatandaang noong Abril 29 nang iutos ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension laban kay Garcia dahil umano sa pag-isyu niya ng quarry permit sa isang protected area noong 2024.

Kinuwestiyon naman ni Garcia ang naturang desisyon ng Ombudsman at iginiit na hindi siya bababa sa puwesto.