Hindi pa rin tukoy ng mga awtoridad ang apat sa 10 katao na nasawi sa karambola ng mga sasakyan sa SCTEX noong Huwebes ng tanghali, Mayo 1, 2025.
Ayon sa mga ulat, nahirapan umano ang rescue team ng Tarlac Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO) na matanggal ang ilang mga nasawing biktima na matindi umanong naipit sa pagbangga ng isang bus sa tinatayang apat na sasakyan.
Sinasabing nakapila sa toll gate ang mga sasakyan nang salpukin sila ng nasabing pampasaherong bus kung saan napag-alamang nakatulog daw ang driver na nagmamaneho nito.
“Ito pong bus, yung Solid North Transit Inc., ito po yung bumangga sa apat na vehicles na nakahinto na po sa toll plaza ng SCTEX, waiting po doon sa payment nila sa toll booth po nila. And pagdating po nitong Solid North Transit, unang binangga niya ay yung Nissan Urvan. Yung Nissan Urvan naman po binangga niya po yung Kia Sonet. Yung Kia Sonet binangga naman niya yung tractor head. Yung tractor head binangga naman niya yung Toyota Veloz,” paliwanag ng Tarlac Provincial Police Office sa media.
Samantala, tinatayang hindi naman bababa sa 37 ang naitalang nasaktan sa naturang aksidente, kabilang ang konduktor at mga pasahero ng nasabing bus.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver na posible umanong maharap sa patong-patong na kaso kabilang na ang reckless imprudence resulting in multiple homicide.