Ibinahagi ng isang Cebuano na masarap at maganda ang kalidad ng ₱20/kilo ng bigas na sinimulang ibenta ng pamahalaan sa Cebu City noong Huwebes, Mayo 1.
Sa ulat ng PTV noong Huwebes, isa si Eliot Alburo sa mga pumila para makabili ng 10 kilo ng bigas para sa kaniyang pamilya sa Cebu provincial capital grounds.
Sinamahan ng PTV si Alburo sa tahanan nito kung saan isinaing at tinikman niya ang nabili niyang ₱20/kilo halaga ng bigas.
"Ang masabi ko lang dito sa bigas na ibinenta ninyo ng ₱20 [kada] kilo, okay na okay ang lasa. Wala kang maaamoy na mabaho. Maayos ang lasa," saad ni Alburo.
"NFA yung bigas pero okay [ang lasa], mas maputi," dagdag pa niya.
Sinabi rin niya sana raw ay magtuloy-tuloy ang programa na ito ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Matatandaang unang tinikman ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) ang naturang bigas upang ipakita sa publiko na maganda ang kalidad nito.
BASAHIN: Taste Test? DA officials, kumain ng NFA rice na ibebenta ng ₱20/kilo