Iginiit ni Commission on Elections (Comelec) spokesman Rex Laudiangco na nakahanda umano ang kapulisan sa pag-asiste sa darating na eleksyon sa Mayo 12, 2025, lalo na kung sakali umanong umatras ang ilang miyembro ng electoral boards.
Sa panayam ng media kay Laudiangco nitong Biyernes, Mayo 2, 2025, ipinaliwanag niya na parte umano ng “standard” ng komisyon ang paghingi ng tulong sa miyembro ng Philippine National Police (PNP) tuwing halalan.
“Eh kaysa humanap kami ng public officials hanggang sa makarating kami sa private individuals, we could go directly to the officers and personnel of the [Philippine National Police]. At ‘yun ay naging standard na ng Comelec since nai-enact ang [Election Service Reform Act],” ani Laudiangco.
Matatandaang kamakailan lang nang ihayag ni Comelec chairman George Erwin Garcia na ang orihinal na bilang ng mga sinanay ng PNP na maaaring umupo sa eleksyon ay nasa 4,000 kapulisan, ngunit dinoble umano nila ito.
“Ang pinapahanda namin na bilang sa PNP na pwedeng magamit bilang special ERB members kung saka-sakaling hindi makapaglingkod ang mga guro as ERB members ay 4,000. Ang nai-prepare ng PNP ay mahigit 9,000. Ibig sabihin, doble sa kung ano ang nai-request ng Comelec,” ani Garcia.
Samantala, noong nakaraang buwan naman ng Abril nang kumpirmahin ng PNP na bumaba umano ang mga naitala nilang election related violence sa buong bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Election-Related Violence, pumalo na sa 30—PNP