Binigyang-pugay ni Vice President Sara Duterte ang mga manggagawang Pilipino ngayong Labor Day, Mayo 1, at hiniling na nawa’y manatili silang “matatag, matiyaga, at mapagpursige” para sa tunay na kaunlaran at makabuluhang pagbabago sa bansa.
Sa isang video message, ipinaabot ni Duterte ang kaniyang pagsaludo sa mga manggagawang Pilipinong patuloy na nagsusumikap upang maabot ang pag-unlad ng buhay ng kani-kanilang buhay, pamilya, at komunidad.
“Ako ay sumasaludo sa inyong katatagan, talino, at kasipagan na inyong ipinapakita sa inyong kani-kaniyang sektor, sa loob man o sa labas ng bansa,” ani Duterte.
Hinikayat din ng bise presidente ang publikong ipagdiwang ang tagumpay ng mga overseas Filipino worker (OFW), medical at security frontliner, community worker, guro, at lahat ng mga nagtatrabaho sa pampubliko at pribadong sektor ng lipunan.
“Anumang hamon ang ating kinakaharap sa kasalukuyan, nawa’y manatili tayong matatag, matiyaga, at mapagpursige sa ating nagkakaisang hangarin para sa tunay na kaunlaran at makabuluhang pagbabago sa ating bansa,” saad ni Duterte.
“Isang mapagpalang pagdiriwang ng Araw ng Manggagawa!”