May mensahe si House Speaker Martin Romualdez para sa mga manggagawang Pilipino ngayong unang araw ng Mayo, na ginugunita ang "Labor Day."
Mababasa sa kaniyang Facebook post, "Sa lahat ng manggagawang Pilipino, isang taos-pusong pagpupugay at pasasalamat ngayong Araw ng Paggawa."
"Alam ko po na hindi madali ang araw-araw na hamon—mula sa maagang paggising, mahabang biyahe, at matinding pagod para lang maitaguyod ang pamilya. Kayong mga guro, nurse at doktor, magsasaka at mangingisda, pulis at sundalo, construction worker, driver, empleyado, OFW, at marami pang iba—kayo ang tunay na lakas ng ating ekonomiya."
"Hindi sapat ang isang araw para ipagdiwang ang inyong kabayanihan. Kaya bilang inyong Speaker, sisiguraduhin kong patuloy tayong gagawa ng mga batas at programang tunay na makakatulong sa inyo—para sa mas maayos na sahod, ligtas na kondisyon sa trabaho, at mas magandang kinabukasan para sa inyong mga anak."
Bilang pagwawakas, "Saludo po ako sa inyo—hindi lang ngayong araw, kundi araw-araw. Mabuhay ang manggagawang Pilipino!"